ANG MASUNGIT NA BIYENAN

Isang kuwento na halaw sa " Chinese Book of Wisdom "

Sa isang munting baryo may isang bagong kasal. Dahil sa wala pang gaanong naipon
ang mag-asawa na napagpasyahan ng dalawa na makituloy muna sa bahay ng ina ng
lalaki. Malaki naman ang tahanan ng mga magulang ng lalaki at hindi sila nagiging
kalabisan sa pamilya subali't ang lahat halos ng kilos ng babae ay lagong pinupuna
ng kanyang biyenang babae. Naging masungit ito sa babae at naging dahilan ng
pagtatampo nito.

Minsan nang dumalaw ang babae sa kanyang Lola ay naikuwento nito ang lahat
ng kalupitan at masasakit na salita ipinupukol sa kanya ng kanyang biyenan kapag
siya ay may mga pagkakamali. Pumasok sa kuwarto ang lola ng babae at may
ibinigay ito sa kanya na supot na may lamang dinikdik na herbal na halaman.
" Sa tuwing ipaghahanda mo ng pagkain ang iyong biyenan ay palihim na haluan
mo ng isang kutsarita nito." ang sabi ng matanda sa kanyang apo. " Mabisang
lason ito na unti-unting kikitil sa buhay ng iyong biyenan, subali't maging masuyo
ka at malambing sa pagsisilbi sa kanya para hindi siya makahalata sa iyong balak."
ang patuloy na paalala ng kanyang lola.

Agad na umuwi ang babae at sinunod ang payo ng kanyang lola. Isang buwan ang
lumipas at nagkaroon ng malaking pagbabago sa naging pagtrato ng biyenan nito
sa kanya. Naging maalalahanin na rin ito atlaging may papuri sa mga gawain at
pag-aasikaso ng babae. Sa tuwing pupunta sa bayan ang kanyang biyenan ay lagi
pa itong may pasalubong sa kanya na damit o di kaya ay masarp na pagkain. Ang
dating masungit na biyenan ay napalitan na ng isang mabait at mapag-alalang
pangalawang ina para sa kanya.

Sa muling pagdalaw ng babae sa kanyang lola ay humiling naman ito na sana ay
may pangontra sa |"lason" na inihahalo niya sa pagkain ng kanyang biyenan.
Naging napakabait na nito sa kanya at nais niya na humaba pa ang buhay nito.
Ngumiti lamang ang kanyang lola at nagsabi, :

" Huwag kang mag-alala, apo, at ang ibinigay ko sa iyo ay hindi lason kundi
   bitamina na pampasigla. Kailan man ay hindi ako magpapayo ng makasasama
   sa iyo. Hindi ko lang kasi maipapa-unawa sa iyo na may mga pagkukulang
   ka rin kaya ganoon ang naging pag-trato sa iyo ng iyong biyenan. Karaniwan
   lang kasi sa isang ina na ituring ang kanyang manugang na babae na kaagaw
   sa pagmamahal ng kanyang anak. Noong naging mabuti kang anak sa kanya
   ay napalagay na ang loob niya sa iyo at itinuring ka na rin na tunay na anak. "

Comments

Popular Posts