ISANG TULA PARA KAY INAY





Ilang ulit ko nang sinubukan gumawa ng tula

Subali't di maituloy dahil  tumutulo ang luha
Kapag naalala, kanyang kamay na mapagpala
Sa aming magkakapatid na kanyang inaruga

Si "Oryang maruta"  ang tawag ng Nanay Lawa
Handang ipaglaban para lang di kami mapariwara
Sa aming tahanan ay siya ang batas siya ang alas
Kapag may mali o kasalanan ay wala kang ligtas

Binata pa ako nang sila'y umalis, ako ay nawalay
Parang baliw na nakalaya, at wala nang sasaway
Sweldo ay inuubos sa layaw, kay sarap ng buhay
Nguni't sa puso ko ay hanap ang  sumusubaybay

Noong ako'y magkapamilya ay muli kong naalaala
Ang mga pangaral at paggabay ng mahal kong ina
Isang libong kurot, palo ng sinturon at mga sabunot
Para lang niya maituwid ang mga asal kong baluktot

Sariwa pa sa alaala  ang kanyang huling mga salita
"Anak, malapit na akong yumao ... mag-iingat ka,
 Mahalin mo ang iyong mga anak at iyong asawa,
 Pagod na rin ako at nais ko na ring magpahinga. "

Pagkaraan nang isang buwan siya ay pumanaw
At masaya niyang nilisan ang mundong ibabaw
Mga pangarap at dalangin niya'y naisakatuparan
Kami ay naiwang masaya, maayos ang katayuan

Kay Ate Nor, Ate Mer, Malou, Alfredo, Fernando
John, Nelson at sa aming ama, at siyempre si ako
Ang mga alaala di malilimutan magpakailan man
At tuwing sasapit ang araw ng kanyang kaarawan

Tangi naming dalangin kung may kabilang-buhay
Sana ay kapiling niya si Ama, ang Tatay at Nanay


Comments

Popular Posts