2 ORAS NA IYAK SA ISANG PELIKULA

          Mula sa pagkabata ay minsan ko lamang naalala na ako ay isinama ng aking ina sa pamamasyal.  Mga pitong taong gulang lang ako noon, nagsimba muna kami sa Quiapo at pagkatapos ay kumain ng lomi at siopao sa Wa Pac Panciteria sa may Plaza Miranda. Masaya na sana ako sa sarap ng aming kinain subali't pagkatapos ay pumasok kami sa Life Theater upang manood ng pelikulang piagbibidahan ni Eddie Rodriguez, Lolita Rodriguez at Marlene Dauden, na "Sapagka't Kami'y Tao Lamang."

         Punong-puno ang sinehan kaya nakipagsiksikan kami para makalapit sa harapan pero wala na talagang bakanteng upuan. Maliit pa lang ako noon kaya halos wala akong makita sa palabas kundi ang likuran ng mga taong nakatyo sa aming harapan. Dahil sa hirap ng aking katayuan ay nagmaktol ako at umiyak kaya sinasaway ako ng aking ina para huwag akong mag-ingay. Sa tuwing maririnig ni inay ang pagmamaktol ko ay madiing kurot ang pasaway niyang pagpigil sa akin. Pareho lang naman kaming umiiyak ni inay, siya dahil sa natatangay sa drama ng pelikula at ako naman ay dahil sa pagkainip at panngangalay sa pagkakatayo. Matapos ang halos dalawang oras na pahirap ay natapos din ang palabas. Pero hindi pa pala tapos ang drama naming mag-ina. Pinagsabihan niya ako na huwag akong magkukwento pagdating namin sa bahay at lagot daw ako kapag di ako sumunod.

         Sa tuwing maaalala ko ang pangyayaring iyon ay natatawa na lang ako. Naiisip ko na lang na noong mga panahon na yon mahirap ang buhay namin sa Blumentritt ay kailangan lang ni inay na magdahilan para kahit paano ay mabigyan layaw ang sarili. Di naman ako nagtatampo pero mula noon ay nagtatago na ako kapag magsisimba si inay at baka maisama naman ako.

          Marami na rin naman akong napanood na drama, naiyak paminsan-minsan pero pagsama-samahin man ang lahat na pelikulang iniyakan ko ay di siguro matutumbasan ang naiiyak sa pelikulang  "Sapagka't Kami'y Tao lamang."

Comments

Popular Posts