ANG PARADUSDOS NG NANAY LAWA

       Noong aking kamusmusan, sa aming nayon, lilblib na lugar sa Alfonso, Cavite, ay naging kaugalian na ang tawag sa mga magulang ay inay at ama. Samantala sa mga lolo at lola, ang tawag naman ay nanay at tatay. Noong 1960's ay wala namang bumibiyahe na mga pampasaherong sasakyan papunta ng kabayanan kaya't kailangan mo pang maglakad ng halos pitong kilometro kung may sadya ka sa bayan. Tanging ang trak laman ng kalakal ng Kakang Dading ang natatandaan kong masasakyan na minsan lamang dumaraan bawa't linggo para magluwas ng kalakal sa Maynila.

       Kaya nga bukod sa kapaskuhan, piyesta at panahon ng alayan ng bulaklak, ang pinakamasayang okasyon sa amin noon ay kapag naiisipan ng Nanay Lawa na magluto ng "paradusdos" o tinatawag na "ginataang bilo-bilo" ngayon. Kung minsan ay hinahaluan din yon ng langka pero karniwan ay sapat na ang binilo na galapong na niluto sa gata at asukal na pula. Sapat na yon para maging parang piyesta sa aming tahanan dahil hindi naman iyon karaniwang natitikman. Ang kendi na nabibili noon ay "dulce amor " lang, binilog na kendi na pinagulong sa asukal, kaya't higit na masarap para sa amin ang luto ng Nanay Lawa.

       Bihira sa aming nayon ang may gilingang bato na ginagamit sa paggawa ng galapong. May taga-salin ng malagkit na bigas na ibinabad sa tubig habang ang isa naman ay siyang tag-pihit ng gilingan.
Pagkatapos magiling ang ang malagkit na bigas ay pipigaan it sa katsa para maalis ang tubig at saka pa lamang kami gagawa ng bilo-bilo o binilog na galapong na kasing-lalaki ng butil ng aratilis. Ang Tatay Iko ang taga-kayod ng niyog, at magpipiga ng kinayod para makuha ang gata nito. At ang Nanay Lawa naman anag magluluto nit sa tulyasi.

      Di pa uso noon ang "birthday cake" kaya ito rin ang karaniwang handa kapag may nagdiriwang ng kaarawan, bukod sa lutuing manok na siyang palit-buhay.  Masaya na rin yon dahil karaniwan ay marami ang niluluto para mayakag din ang aming mga pinsan at kahanggan. At kung minsan pa ay nagpapaluto rin ang Nanay Lawa ng "duldol" na kalamay.

      Masarap alalahanin ang panahon ng kamusmusan kaya't kakambal ng ala-ala ay ang mga bagay din na ginagawa para sa inyo ng inyong mga ninuno para kahit paano ay makapag-dulot ng saya sa inyong mga araw. Ang lola ko ay di gaanong makuwento at madalang din lang lumabas ng aming bakuran. Hindi naman kami nawawalan ng bisita sa araw-araw kaya hindi rin naman kami nahuhuli sa mga balita sa nayon. Kalimitan nga ay ako ang kanyang inuutusan kapag may ipapadala siya sa kanyang nakababatang mga kapatid. Gayundin ay ako rin ang kanyang kasama kapag dinadalaw niya ang kanyang ina na inaaruga naman ng bunsong kapatid na si Lola Diday.

     Simpleng-simple lang ang buhay sa nayon, simpleng kasiyahan, simpleng mga libangan. Dangan nga lamang at hindi maiiwasan na magkaroon ka ng kagustuhan na maranasan naman ang kakaibang buhay sa lunsod dahil sa mga naririnig mong kuwento mula sa mga taong nakarating na ng Maynila.

      Halos 5 dekada na ang nakaraan. Wala na ang Lolo at Lola. Wala na rin ang aming lupain na dati ay saksi ng maliligayang araw ng aming kamusmusan. Hindi na ito maibabalik subali't may mga ala-ala pa rin naman ng lumipas. Sa tuwing makakatikim ako ng "ginataan halo-halo" ay naaalala ko ang "paradusdos" ng Nanay Lawa. At higit pa doon ang mga aral na natutunan ko mula sa kanila.

      Hindi ko rin makakalimutan ang laging pangaral sa akin ng Nanay,
           "Huwag pabubulid sa masama at huwag kang mapapasakamay ng batas."

     

Comments

Popular Posts