HULING - HULI SI INAY !

       Nagsisipag-kolehiyo na kami noon kaya hirap na ang mag magulang namin na pagkasyahin ang kanilang kinikita para matustusan ang aming mga pangangailangan. Tipid sa lahat ng bagay pati na sa pagkain. Maagang nagbubukas ng tindahan at nagpapa-abot ng hating-gabi para samantalahin ang oras na mapagkakakitaan. Lahat ng paraan ay ginagawa para lang madagdagan ang kinikita, at kung kinakapus ay napipilitang manghiram sa iba.

       Isang araw, maglilinis sana ng ulbo (kulungan ng baboy) ang aking Lolo ng magisnan na niya na nagtatago sa gilid nito si Inay habang kumkain ng lansones. Napalakas ang halakhak ng Tatay Iko kaya narinig namin ang ingay at agad kaming dumungaw sa tarangkahan. Doon nga ay nakita namin si Inay, pawis na pawis at hiyang-hiya habang hawak ang isang munting supot ng lansones. Pabulong niyang sinabi sa Tatay na, " Sabik na sabik  na ako sa lasa pero mahal ang kilo at di naman kakasya sa atin ang isang kilo. "

       Natawa ang Tatay sa sinabi ni Inay nguni't maya-maya ang kanyang ngiti ay napalitan ng pagkahabag. Nag-iisang anak si Inay ng mga Tatay at masakit sa kanya ang makita na ang kanyang mahal na anak ay naghihirap at napipilitang tipirin ang sarili para lamang maitaguyod ang mga anak.Isang munting bagay na kahit siya ay wala rin gaanong magawa para magaanan ang mga pasanin ng kanyang nag-iisang anak.

       Mga ilan taon pa ang lumipas at nakatapos din naman kaming lahat, pumanaw na rin ang Lola at hindi makapagpasiya si Inay kung tutuloy sa pag-alis patungong Canada. Matanda na rin noon ang Tatay at wala nang mag-aasikaso sa kanya kung siya ay tutuloy. Muli kong naaalaala ang huling salita ng aking Lolo kay Inay noong huling araw niya, (ayon sa kwento ni Inay), " Huwag kang mag-alala at hindi naman ako magpapa-alaga sa'yo. Tumuloy ka at hindi naman ako makahahadlang sa mga plano mo."Namatay noong araw ding yaon, na parang tumakas lamang dahil sa inutusan niya si inay na bumili ng mami sa canteen ng Veteran's Memorial Hospital, at pagbalik niya ay wala ng buhay ang Tatay.

      Hindi ko rin makakalimutan ang araw na yon dahil nadalaw ko pa siya mga isang oras lang bago siya pumanaw at parang wala namang dinaramdam mula sa katatapos niyan operasyon sa katarata. Kung sabagay mula ng mamatay ang Lola ay nawalan na rin naman ng sigla ang tatay at kalimitan kapag ako'y umuuwi ay nadaratnan ko siya naka-upo sa tabi ng bintana na laging inuupuan ng lola kapag siya ay hinihintay sa pag-uwi. Ayaw man niyang magpahalata sa akin ay alam ko gusto na rin niyang mamahinga at di na magdulot ng alalahanin sa amin.

       Halos 34 na taon na ang lumipas. Sayang nga lamang at di na niya nakita ang aking naging kabiyak, sana kahit paano ay hindi na niya ako makakantiyawan na "torpe".

Comments

Popular Posts