NAPIKOT SI ATE HENING

          "  Mabuti pa si Henyaput, guwapo ang mapapangasawa. Ang asawa ko, pangit, tapos hindi na naman puwedeng isauli !" Ito ang pabirong hinagpis ni Ate Remy habang katu-katulong sa pagluluto ng mga handa para sa darating na kasal ni Ate hening kay Kuya Genio.

          " Hindi ba bagay naman sila, Genio at Genia. " ang sagot naman ni Ate Soson.

          Mahirap makalimutan ang tagpong iyon dahil sa isa na yata sa naging pinamaugong na naging kasalan sa aming nayon ang pag-iisang dibdib ng dalawa. May mga natutuwa at mayroon din namang mga tsismosa na ginagawang katatawanan ang pangyayari. May narinig pa nga ako na nagsabi na para daw nagkatuluyan si Eddie Rodriguez at si Bella Flores. Pero sa gana Lola ko ay tama lang naman daw at mabuting babae naman daw ang pamangkin niya at maestra pa.

          Para sa akin ay galit ako dahil nasira ang bagong bisekleta ko na binili pa naman ng Tatay Iko ng magluwas siya ng kalakal sa Maynila. Bihira sa mga bata sa aming nayon ang may bisekletang 3  ang gulong at may angkasan pa para sa isang pasahero. Nasira yon dahil sa sinakyan ni Ate Hening at ni Ate Norma noong araw na napagkasunduan ang kasal.

          Ewan ko ba kung ano ang pumasok sa kukote ni Ate Hening noong araw na yon at sinakyan ang aking bisekleta at pagkatapos ay pinasakay pa si Ate Norma sa likod. Maliit pa lang ako noon at kahit na umiiyak na ako ay ayaw pa ring tumigil ng dalawa hanggang sa matanggal ang hulihang gulong. Natumba ang dalawa at nagtatawanan pero maya-maya ay naging histerikal si Ate hening at parang sinasaniban ng espirito. Agad na inutusan ng Lolo si Salvador na pamangkin niya para sumundo ng albularyo.

          Pagkalipas ng ilang oras na gamutan ay sinabihan ng albularyo ang Tatay Iko na si Ate Hening daw ay ginagaway at kailangang ipasundo ang gumagawa nito para siya ay gumaling. Sa bandang huli ay napag-alaman namin na si Kuya Genio pala ang itinuturo ni Ate Hening at pagkatapos ng masinsinang pakikipag-usap sa Lolo ay napagkasunduan na ipakasal na lamang ang dalawa.

          Natuloy ang kasal at napalitan din naman ang aking bisekleta. Nagbunga ang kanilang pagsasama ng isang anak na babae subali't maagang naulila ito dahil sa pagkakasabak ni Kuya genio sa isang madugong enkwentro na ikinamatay nito. "No Other Love" pa nga raw ang pinapatugtog noong libing at bumilang naman ng mahabang panahon bago na-in-love muli ang ating bida.

Comments

Popular Posts