Bayan ng Alfonso Noong 1960's

Ayon sa kasaysayan, ang bayan ng Alfonso ay kinilala noong ika-16 ng Mayo, taong 1859 sa pamumuno ni Bonifacio Aveo at Felix Del Mundo. Dati itong bahagi ng Pueblo ng Indang subali't ng dumami ang mga nagtatayo ng tirahan ay ginawang hiwalay na establisemento ng pamahalaan ng Cavite.  Ang unang pangalan ng bayang ito ay Alas-as, na mula sa punong-kahoy na karaniwang ginagamit sa pagtatayo ng bahay noong unang panahon. Makaraan ang ilang taon ay muli itong pinangalanan na bayan ng Alfonso bilang pagbibigay karangalan sa anak ng reyna ng Espana na si Reyna Isabel II. 

Nuong una ay binubuo lamang ito ng mga baryo ng Sinaliw, Taywanak, Pajo, Esperanza, Marahan, Matagbak at Kaytitingga. Sa ngayon ay binubuo na ito ng 32  barangay at halos ay umaabot na sa 100 libong katao ang dito ay nananirahan. Marami na rin makabagong mga establisimentong nagsipag-tayo rito ng mga negosyo, may kuryente at tubig sa lahat ng barangay at maayos na sistema ng transportasyon. Napakalaking pagbabago kung ihahalintulad sa kapanahunan ng dekada 60.





May natatandaan ako minsan ay nagpunta kami ng Lolo ko sa bayan ng Alfonso dahil may mga kasayahan sa piyesta. Siguro ay mga 5 taong gulang ako noon kaya't sa kahabaan ng aming nilakad ay nakapasan ako sa kanyang balikat. Mahigit sa limang (5) kilometro ang layo ng bahay namin sa Sinaliw hanggang sa kabayanan. Malaki ang kaibahan ng nayon sa kabayanan. Malalawak ang kalsada, may malawak na plasa, may malaking simbahan at may maliwanag na ilaw ang kapaligiran pati na ang bahay na karaniwang gawa na sa bato.

May pinuntahan din kami na kakilala para makikain sa handaan. At pagkatapos noon ay nagpunta namin kami sa simbahan at sa plasa para maghintay ng ipapalabas na pelikula. Iyon ang unang pagkakataon na nakapanood ako ng sine sa plasa. May malapad na puting telon at may "projector" na siyang  pinagmumulan ng palabas at dalawang "speaker" naman sa likuran na siyang pinagsisimulan ng mga tinig. Unang pagkakataon na nakakita ako ng mga higanteng tao na nagsasalita.

Natatawa na lamang ako sa aking sarili kapag naaalala ko ang kuwento ng Kakang Leon na sa Maynila ay mga higanteng nakakulong sa malaking kahon na nagsasalita at nagdu-dula-dulaan hindi katulad ng mga duwende sa radyo na nagtatago sa loob ng baterya.  Lalo ng nanabik ako na makita ang mga pansol na sumisirit ng pataas, sumasayaw sa tugtog at nag-iiba-iba ang kulay di tulad ng nasa Saluysoy na puro pababa lamang ang pansol.

Sa katulad ko noong bata ay maituturing na malaking karanasan na ang makarating sa bayan, makakain ng kending asukal na umiikot sa malaking batya (cotton candy) at "bagkat" (molasses) o pulut-tubo na nasa loob ng munting siit ng kawayan. Gayundin ang makapanood ng pasikatan ng mga banda ng musiko na may iba't-ibang kulay ng uniporme. 

Pa-umaga na ng kami ay umuwi at may natatandaan ako na binilihan pa namin ng pandesal at ilang piraso ng tinapay na "Pan-amerkano" doon sa Kakang Takya sa nayon ng Marahan. Hindi ko makakalimutan ang araw na iyon dahil doon nagbago ang pananaw ko na maka-pag-aral sa Maynila. Nasabik ako na makita ang mga higanteng nagsasalita at pansol na nagsasayaw. Mawawala na rin ang takot ko sa kapre, tikbalang, at nuno sa punso, na ayon din sa Kakang Leon ay takot sa "jeep".

Ang Pelikula nga pala ay "Si Marita at ang Pitong Duwende" na Pilipinong salin ng "Snow White and the Seven Dwarves".  




Comments

Popular Posts