SI BERTONG BULAG AT SI NENENG SAKLAY


Isang Tula ...


Dalawang pusong pinagbuklod ng kapansanan
Ang isa ay balot sa dilim di alam ang kagandahan
Ang isa'y hirap kumilos, paa ay walang pakiramdam
Sa tulong ng pagmamahalan, buhay may kaligayahan

Si Berto ay isinilang sa mundo ng kadiliman
Maagang naulila, namalimos sa lansangan
Nang minsang inabot sa kalsada ng ulan
Isang pilay ang lumapit at siya ay tinulungan

Sa mundong walang kulay, may ibang naramdaman
Init ng kanyang palad sa puso niya ay dumarang
Bagama't  di namulat sa anumang kamunduhan
Natuto na umibig mangarap ng walang hanggan

Nagkatagpo, nagkasundo, bumuo ng isang mundo
Magsasama ng matapat, sa isa't isa ay nangako
Mata man ay walang ilaw, nagsumikap na mabuhay
Kapansana'y di ininda, namungad ng matiwasay

Minsan din naman ay mayroon ding tampuhan
Pag may tampo si Neneng nililipat mga kasangkapan
At pag si Berto ay napikon, nagka-untog-untog sa bahay
kanya namang itatago ang dalawa nitong saklay

Ang radyo at ang TV, kay Berto ay tanging libangan
Kapag may nagaganap, si Neneng ang nagsasa-larawan
Kaya nagtataka si Berto sa pelikulang puro padaing
Ang kasunod na nagaganap, labis na paglalambing

Kung minsan tuloy ay aking naitatanong ...
Kanilang kapalaran ay saan hahantong ?
Ngayong masigla pa, buhay ay may kabuluhan
Paano sa pagtanda, pag iginupo na ng karamdaman ?

ooo OO ooo


Nakilala ko ang mag-asawa dahil sa paminsan-minsan ay bumibili sa aking tindahan ng
babasahin si Berto para ipasalubong sa kanyang asawang si Neneng. Malaki ang agwat ng
edad ni Neneng kay Berto kaya karaniwan ay binabagabag na ito ng pananakit ng katawan
at hirap sa paglalakad ng naka-saklay. 

Gayundin kung minsan ay nagpapa-buo si Berto ng mga barya na kinita nito sa 
pamamalimos. Karaniwan ay kumikita naman siya ng humigit kumulang sa isang libong
piso, subali't ayon sa kanya ay mas nanaisin niya ang ipag-trabaho ito kaysa mamalimos
ng awa mula sa mga tao na mababa ang pagtingin sa'yo.

Ayon kay Berto, nangingiti lang siya kapag may nagsasabi na bukod mas matanda na 
ang  kanyang asawa sa kanya ay hindi pa ito maituturing na maganda. Sa katayuan niya 
ay hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng "maganda" at ng "pangit". Ang tanging 
alam niya ay naging masaya ang buhay niya mula ng sila ay nagsama, at ang mahalaga 
ay ang mga naririnig niya at nararamdaman.

Wala man siyang nakikita ay nararamdaman naman daw niya ang kabutihan, ang 
kabaitan, at ang katapatan ng mga tao na nasa paligid niya.

Comments

Popular Posts