PICNIC ARAW-ARAW

        Totoo nga pala ang kasabihan, " Nakikita mo lamang ang kahalagahan ng isang bagay kapag wala na ito sa buhay mo. "

        Naaalala ko pa noong panahon na kami ay mga bata pa. Ang sarap maglaro sa parang ng walang sapin sa paa. At kapag mainit na ang araw ay nagpupunta kami sa kanlungan ng mga punong mangga, naglalatag ng blanket at naghihintay na may bumagsak na prutas ng mangga. Para kang nag-pi-picnic araw-araw.

        Sa umaga ay inaabangan namin si Kuya Celso para makahingi kami ng tuba mula sa puno ng niyog. Gayundin kay Kuya Ising na papasok sa trabaho para ipakalog ang punong alpay. At bago mananghali at magpupunta kami sa gawing kanluran ng aming solar para manguha ng kasoy at babagan. Pagkakain ng tanghalian ay doon naman magpapalipas ng hapon sa ilalaim ng manggahan. Paminsan-minsan ay may uwi ang Tatay Iko na bukong mura para ilahok naman namin sa pinipig.

       Kapag palubog na ang araw ay mamimintana naman ako para panoorin ang mag manok na humahapon sa punong santol sa harap ng bahay ng Kakang Piro. Hindi pa ako nakakakita ng telebisyon noong mga panahon na yon kaya nililibang ko ang aking sarili sa panood ng inahing manok na uma-akyat sa punong santol upang duon matulog. Karaniwan ay di agad ito nakaka-akyat at nakatutuwang panoorin ang pabagsak nitong lipad.

       Karaniwan naman sa pagsapit ng gabi ay may mga kahanggan kaming bisita na nakikipag-balitaktakan sa Tatay Iko. Kung anu-ano din lang ang kanilang napapagtalakayan suabali't sa aking murang isipan ay natutuwa akong sila ay pakinggan. Yaman nga lamang kapag napapag-usapan na ang Maynila ay nagkakaroon ako ng kagustuhan na sana ay dumating ang araw na ako ay makarating din doon.

      Ang maghu-huweteng ang malimit na mag-kwento na sa Maynila raw ang pansol ay hindi pababa ang agos at talsik kundi paitaas pa at papaling-paling. At bukod doon kapag sinabayan daw ng tugtog ng musiko ay kumakampay ang mga silarit ng pansol at parang sumasayaw sa tugtog. Isa pang paborito niyang ikuwento ay ang radyo daw sa Maynila ay may taong nakikita sa loob, may hayop din, at nagkakasya ang malalaking bahay, di tulad ng radyo sa nayon na nariring mo lang ang mga tao na nagsasalita.

     Mula noon ay lagi na akong sumasama kapag nagluluwas ng kalakal ang tatay iko sakay ng trak ni Ka Dading. Magulo pero masaya, at ng una akong nakapunta sa Luneta at makita ang malaking mapa ng Pilipinas pati na ang nagsasayaw na "fountain" unti-unti nang naglaho ang kalibangan ko na nararanasan sa aming araw-araw na piknik at naghihintay na lang ng buwanang pagluluwas ng kalakal para muli kong makita ang Maynila.

Comments

Popular Posts