ANG LOVE STORY NI LOWIE AT FRANK, PART 2

       Lumaki akong nakikinig sa kuwento ng maraming mga nagiging bisista sa dating kabahayan ng aming Lolo at Lola. Karaniwan sa mga nagiging bisita ay masigasig sa paglalarawan ng kanilang mga naging karanasan lalo na noong kapanahunan ng digmaan o di kaya naman ay tungkol  sa kanilang mga ninuno. Kalimitan ay tahimik na nakikinig lamang ang aking Lolo, tumatawa sa mga kuwento, nagtatanong pamin-minsan, subali't hindi nagsalaysay ng kanyang mga naging karanasan.

       Ilang beses ko na rin siyang natanong tungkol doon pero ang sagot niya ay ngiti lamang. Maging ang Lola ay hindi rin nagkukuwento, Ang tanging nakilala ko lamang sa mga kamag-anakan ng Lolo ay ang mga dumdalaw sa amin. May dalawa siyang kapatid na lalaki at mga pamangkin na sa amin din nanirahan ng ilang taon. Pero kailan man ay hindi napagkuwentuhan man lang ang tungkol sa bayan nilang pinagmulan.

       Minsan na akong naisama ng Lolo sa barrio na pinagmulan niya at nagulat din ako sa dami ng kamag-anakan na nakipagkumustahan sa kanya. Napalaki rin pala ng kanyang angkan sa nayon ng Baliwag, Magallanes. Lahat ng mapuntahan namin ay mainit ang pagtanggap at makikita mo ang katuwaan sa kanilang mga mukha. Nababanggit naman ang kanilang mga pangalan nguni't ang kaakibat na mga salaysay kung sino-sino sila ay di ko na narinig.

       Ang tanging alam ko lang tungkol sa Lolo ay umalis siya sa kanilang nayon sa edad na 17. Nangatulong siya sa lupain ng mga Lola, nag-asawa at nagpasimula ng panibagong buhay. Kung ano man ang buhay na kanyang iniwan sa kabilang bayan ay di na niya naibahagi sa amin. Maging ang Lola ay di rin nagsalaysay kung ano ang tunay na dahilan at naisipan ng Lolo na makipagsapalaran sa ibang bayan na wala siyang gaanong kakilala kaysa mamuhay nang katulad ng kanyang mga kapatid.

      Sa paminsan-minsan na pagdalaw ng Tatay Hector, mas matandang kapatid ng Lolo, ay makikita mo naman na maganda ang pagtitinginan nila sa iasa't isa. Ang Tatay Iroy na bunso sa kanila, dangan nga lamang na karaniwan ay kinakausap niya ito ng masinsinan at pinaalalahanan. Lahat ng maaring itulong ay ibinibigay niya rito at karaniwan ay puno ng mga gamit at ipapasalubong ang dala nilang sasakyan sa pag-alis nito. Nabatid ko rin na ang napangasawa pala niya ay ang panganay naman na kapatid ng aking ama.

      Mahal na mahal ng aking Lola ang aking Lolo. Kailan man ay di ko narinig na siya at tumutol sa anumang tulong na nais ibigay ng Lolo sa kanila.  Hindi ko rin kahit minsan naringgan na tinanggihan niya ang mag hiling ng Lolo tungkol sa kanyang mag pamangkin na nangangailan o di kaya ay may mga nagawang kalokohan na tumatakbo sa amin para humingi ng tulong o pansamantalang makitira habang hindi pa naayos ang gusot na napasukan nila.

     Kung mayroon man akong natutunan sa kanilang pagsasama ay ang pagpapaubaya. Anumang mahal sa aking Lolo ay pinag-aralan din mahalin ng aking Lola at sino mang minahal ng aking Lola at lubos naman na pinagmalaskitan ng Lolo. Gayundin ang akin Lolo sa akin Lola, hindi ko rin siya naringgan ng pagtutol kapag nagbibigay ang Lola ng kanyang makakaya sa mga kamag-anakan nito.
Magkarugtong ang kanilang buhay, at noong mga huling araw ng lola ay narirnig ko lagi ang kanilang biruan na kapag pumanw ang Lola ay susunod din agad siya. Isang pangako na tinupad ng tadhana.

Comments

Popular Posts