ANG PABORITONG KUWENTO NG NANAY LAWA

Magsimula ng magkaisip ako ay laging ang Lola at Lolo ang aking nakikita.
Nakapiling ko lang ang aking ina at ama noong kunin nila ako sa edad na 6
na taon para ihanda sa pag-aaral ko ng elementarya.

Paano mo naman makakalimutan ang taong laging pumupuri sa'yo at lagi kang
isinasama sa lahat ng salu-salo na sila'y naiimbitahan. Ang Lola ko rin ang
nagsasama sa akin para dalawin ang isa ko pang Lola sa ama na may sakit.
Bagama't wala akong gaanong naaalala sa Lola ko sa ama ay hindi ko naman
makakalimutan na nandoon din kami noong siya ay malapit ng bawian ng buhay.

Isa sa mga natatandaan kong kuwento niya ay nangyaring aksidenta sa aking Lolo
noong siya ay labing-pitong taong gulang lamang. nangangatulong pa siya noon
sa lupain ng aking Lola nang siya ay mahulog mula sa puno ng mangga habang
nangunguha ng mga bunga nito. Mahigit sa dalawampung-talampakan ang taas
ng kanyang kinahulugan at doon siya bumagsak sa kawayanan.

Isang sanga ng bagong tapyas na kawayan ang tumusok sa kanyang kanang
tagiliran at tumagos sa kabila. Mabuti na lamang at nakalos na ang sanga kaya
walang sumabit noong hinuhugot siya mula sa kawayan. Malubha ang naging
sugat niya subali't wala namang tinamaan na maselang bahagi kaya agad siyang
nabigkisan para maampat ang tagas ng dugo.

May pitong kilometro din ang layo sa kabayanan kaya albularyo na lamang ang
naglapat ng lunas sa Lolo. Bilang pinakamatanda sa magkakapatid ay ang Lola
ko ang nag-alaga sa Lolo at dahil doon ay nagkapalagayang loob sila. May agwat
na pitong taon ang kanilang edad subali't hindi naging dahilan iyon para tumutol
ang mga magulang ng Lola na sila ay makasal.

Bumalik ang dating lakas ng Lolo at ipinagpatuloy ang paninilbihan hanggang sa
sila ay ikasal makalipas ang isang taon mula ng mangyari ang aksidente. Sa unang
sampung taon ng kanilang pagsasama ay pitong ulit na nagdalang-tao ang Lola
nguni't dalawa lamang ang nailuwal nito. Ang isa ay pumanaw bago sumapit ang
ikapitong kaarawan at tanging ang aming ina lamang ang nanatiling buhay.

Halos maglalabing-apat na taon lamang ang aming ina ng ipagkasundo siyang
ipakasal sa aming ama. Kalilipas lamang noong ng ikalawang digmaan at hindi
pa ganap ang katahimikan sa nayon at mga karatig bayan kaya't nag-aasawa noon
ng maaga ang mga kababaihan upang may katuwang sila kung ano man ang mga
mangyayari.

Dahil sa nag-iisa ang aking ina at malawak naman ang lupain ng mga Lolo at Lola
ay kumukupkop naman sila ng mga pamangkin. Isa rito ay pamangking lalaki ng
Lolo na itinuring nila para na rin nilang anak. Hanggang sa pag-aasawa ng kanilang
pamangkin ay inilalayan nila ito subali't isang araw ay may masamang nangyari na
hindi mabura sa kanilang alaala.

Isang araw ay nakawala ang alaga nilang baka kaya't hinanap nilang mag-asawa
kung saan napunta ang mga ito. Lingid sa kanilang kaalaman ay sinadya palang
pakawalan ang mga baka dahil may masamang balak ang ilang tao sa kanilang
pamangkin. Pinagtulung-tulungan itong patayin ng tatlong lalaki dahil lamang sa
hindi siya makabayad sa pagkaka-utang. Huli na ng makauwi ang Lolo kaya
nakatakas na ang mga salarin.

Mahal na mahal siguro ako ng aking Lola dahil hindi ako katulad ng ibang bata na
mahilig maglaro sa labas ng bahay. Pinapalipas ko lang ang oras ko sa paglalaro ng
mga butil ng mais at paglalaro ng sungka. Hindi pati ako naging mainipin sa mga
gawaing bahay at karaniwan ay ako ang nagiging katuwang ng Lola sa paghihimay
ng inaning mani, mais at aswete. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit mas marami
akong narinig na kuwento mula sa aking Lola.

Comments

Popular Posts