ANG PABORITONG KUWENTO NI KUYA ESTOY

Malawak ang lupain ng lolo at lola kaya't di nila kaya na mataniman ang lahat ng ito.
May mga magbubukid naman na maliit lamang ang sinasaka kaya nakikitanim sila sa
aming lupa at hinahatian naman kami ng ikatlong bahagi ng anumang aanihin. Isa sa
mga nakikitanim sa amin ay si Kuya Estoy, katulong ang kanyang dalawang anak na
si Ver at Meno. Masisipag sila at mababait, at dahil sa hindi naman gaanong malaki
agwat ng edad ko sa dalawa niyang anak ay nakakalaro ko rin sila paminsan-minsan.

Si Ver at si Meno ay pawang bihasa na sa gawaing bukid. Sa murang edad nila ay
kaya na nila ang humawak ng timon at araro. Sinubukan naman nila na turuan ako
pero di ko magamay ang pag-aararo kaya sa paghahasik na lang ng binhi ako
tumutulong.  Karaniwan ay abala ang magkapatid sa pagtulong sa kanilang ama
kaya nakapaglalaro lang kami kapag oras na ng tanghalian.

Minsan habang kami ay nagpapahinga napansin ni Kuya Estoy na naglalaro ako ng
nahuli kong tipaklong. Nang magsawa ako ay pinatay ko ang kulisap at binunot ko
ang mga paa nito. Napansin ito ni Kuya Estoy at ako ay nilapitan. " Huwag mo ng
gagawin ang pagpatay sa tipaklong, " ang bulong niya akin, " may buhay din yan
tulad natin. "

Pagkatapos noon at ikinuwento niya naman sa akin ang kuwento ng kanyang ama
sa kanya. Ganito ang kanyang kuwento :

" Pagmasdan mo ang mga ibon. Araw-araw lipad lang sila ng lipad, dadapo lang
kapag nakakita ng matutuka. Ginawa rin sila ng Diyos tulad natin. May buhay at
may binubuhay. Hindi naman lahat ng kanilang tinutuka ay nilulunok nila. Kapag
busog na sila ay dadalhin nila yon sa pugad para ipatuka naman sa kanilang mga
inakay. Kapag sila ay natirador mo at namatay, mamamatay din ang kanilang mga
inakay dahil wala ng magpapakain. "

Isang munting kuwento na binaon ko hanggang sa aking pagtanda. Hindi man ako
nahilig sa pag-aalaga ng hayop ay iniiwasan ko naman ang ako ay makasakit ng
mga ito. Nagkaroon din ako ng interes na pag-aralan ang buhay ng iba't-ibang uri
ng hayop at ihambing ito sa sa ating pang-araw-araw na buhay.

Isang magandang halimbawa ay ang mga langgam. Nakakatuwa silang pagmasdan
dahil sa disiplina nila. Nakapila sila sa paglalakad, at tulong-tulong sa pagbuhat ng
mga mabibigat na bagay na kanilang nakukuha. Higit sa lahat ay kahit gaano sila
kaabala sa gawain ay humihinto sila magbatian kapag nagkakasalubong sa daan.

Mga pabula, kuwentong mga hayop ang tauhan, ay siya ko rin ginamit na gabay
sa pangangaral sa aking mga anak. Maging sa larangan ng telebisyon at pelikula
ay mga kuwentong pabula rin ang kanilang kinamulatan tulad ng "Lion King",
"Ice Age" at "Antz".

Comments

Popular Posts