ANG MGA PAMANA NI AMA

Marami akong narinig na kuwento mula sa mga naging kaibigan ng aking ama, gayundin
mula sa mga kamag-anak. Mabuting tao siguro si ama dahil bukod sa kanilang magandang
mga sinansabi ay lahat sila ay nagpakita sa akin ng kagiliwan at nag-alok ng tulong. Ito ang
masasabi kong mga pamana ng aking ama - sapat na ang makilala ako bilang anak niya at
may katumbas na agad itong pag-aasikaso at paglalahad ng kung anumang maaari nilang
gawin kung nanganagilangan kami ng tulong.

Mapalad kong maituturing ang aking sarili dahil sa ako ang higit na nakaranas nito. Ang
nakakatuwa pa ay laging may nakakatuwa silang kuwento tungkol sa mga naging kalokohan
nilang nagawa sa kanilang pagiging magkasama. Masayahin daw at palabiro, hindi maramot.
at higit sa lahat ay laging nakahandang tumulong sa oras ng pangangailangan. Mga bagay na
di namin gaanong napapansin dahil sa karaniwan ay wala siya sa bahay kasama ang kanyang
mga kabarkada.

Natatandaan ko pa noong kami ay minsang inabot ng kagipitan. Pitong buwan kaming hindi
nakakabayad ng upa sa bahay at natanggal pa nag metro ng Meralco. Pinuntahan kami ng
may-ari at pinaalis. Mabait na tao ang may-ari pero noong malaman niya na pati muling
pagpapakabit ng kuryente ay magiging problema niya ay hindi na siya nakapagpigil sa mga
nasasabi. Humingi ako ng paumanhin at nagsabing maghahanap na kami ng malilipatan.
Tumalikod siya at nag-isip.  Maya-maya ay mahinahon na siyang lumapit sa akin at ang sabi
ay kung hindi lang niya naging kaibigan ang aking ama ay sana noong nalakaran namin ang
isang buwan na deposito ay pinaalis na kami. Pero madiin niyang sinabi na gawan ko ng
paraan na maibalik ang Meralco at bayaran na lang ng unti-unti ang aming kulang sa bahay.

Doon ko lang talagang naramdaman na sadyang hindi pala matutumbasan ng halaga ang
pamana sa akin ng aking ama. Gayundin ang nangyari sa amin noong pinaalis kami sa dati
naming tindahan, isang kaibigan din ni ama ang nag-alok sa amin ng puwesto sa Guadalupe
Commercial Complex. Hindi kami hiningan ng deposito at hindi pinatungan ng halaga ang
upa. Lingid sa aming kaalaman ay may malaki na rin palang problema ang kaibigan ni ama
na dahilan upang isa-isang mawala sa kanila ang mga puwesto nila sa palengke at mapabenta
ang bahay at lupa nila na karatig ng dati naming bahay. Noong nagpasalamat ako ang tanging
sabi lang sa akin ay tumatanaw lang daw siya sa mga mabuting naging pakikitungo ng aking
ama sa kanya.

Sa palengke ay marami ang nagpapakilala sa amin na kaibigan daw nila si ama.
Nangungumusta at nagpapahiwatig ng pagdamay kung sakaling kami ay nangangailangan
ng tulong. Bagama't hindi ako palakaibigan tulad ng aking ama, lahat sila ay nagpapakita ng
masuyong pakikitungo. Mabait daw at "harmless" si ama ang pagsasalarawan ng kanyang
mga naging kabarkada. "Manager" naman ang tawag sa kanya ng mga nakababata, at
"pilyo" naman sa mga kababaihan.

Hindi naman maituturing na "uliran" si ama, subali't may mga magagandang bagay siguro
siyang nagawa para sa ibang tao. Sapat na dahilan na iyon para ituring kaming hindi iba ng
kanyang mga naging kakilala at suklian din ng kabaitan.

Comments

Popular Posts