ANG PABORITONG KUWENTO NI INAY

Katulad ng ibang ginang ng tahanan, ang paboritong kuwento ni inay ay ang mga
"adventure" ni ama. Masipag naman ang aming ama sa bukid, puno ng tanim ang
lupa nilang pinamamahayan, subali't kapag tapos na ang gawain ay mahilig siyang
dumayo ng sugal sa kapitbahay. Iyon daw ang malimit nilang pag-awayan noon.

Ang paboritong sugal ni ama ay ang "madyong" at karaniwan kapag nawili ito ay
inaabot ng maghapon o di kaya ay inuumaga sa sugalan. Nasanay na rito si inay
subali't minsan daw ay inabot na si ama ng dalawang araw at dalawang gabi sa
"madyungan" kaya hindi na siya nakatiis at pinuntahan niya ito. Nakatalikod ang
kinauupuan ni ama sa bintana kaya imbis na sigawan niya ito para tawagin ay
isinuot na lang daw niya ang kamay sa bintana para kalabitin ito. Pero noong di
raw siya napansin ay piningot niya si ama sa tenga.

Marahil ay hindi naman daw ito napansin ng ibang mga kalaro o di kaya ay
nagsipangunwari ang mga ito na hindi nila napansin para hindi naman mapahiya
si ama. Makailang sandali ay kasunod na pala niya si ama pagkarating niya sa
bahay at iyon ay nauwi na naman sa matinding pag-aaway.

Mga bata pa kasi sila ng makasal at sadyang hindi pa handa sa buhay may-asawa
kaya sa kabila ng maraming anak ay nakangiting sinabi ni inay na talaga raw ang
"love child" nila ay ang aming bunsong kapatid na si Nelson na halos 45 taon na
siya ng kanyang isilang.  Noon lamang daw tunay na naging maasikaso si ama
sa kanya at binawasan ang kanyang mga bisyo.

Lalo itong nadama ni inay noong siya ay dinapuan na ng matinding karamdaman.
Lahat ng kanyang pangangailangan ay ididulot ni ama. Ang huling walong taon
niya ay naging makulay para sa kanya at ang lambing nito at pag-aasikaso ang
nakapagdugtong sa kanyang buhay kahit na nabigyan na siya ng taning ng doktor.

Naaalala ko pa noong nagka-usap kami sa kahuli-hulihang pagkakataon. Siguro
ay nararamdaman na niya na hindi na siya magtatagal kaya naibilin niya sa akin
na ako na raw ang bahala kay ama kapag umuwi ito na dala ang kanyang "abo".
Noon pamang bago pa lang siya nagkakasakit ay natanggap na niya sa kanyang
sarili na hindi na rin siya magtatagal kaya ang gusto niya ay doon siya ilagak sa
pinaglingan ng Tatay Iko at Nanay Lawa.

Nagbiro pa nga siya na mag-aasawa uli si ama pag-uwi nito hindi para palitan
siya kundi para may kaagapay ito sa pagtanda.  Napapag-uasapan na naman daw
nila ito simula pa ng siya ay magkasakit at lalo siyang nag-alala ng "quadruple
by-pass" si ama. Masaya naman daw siya sa kanyang mga huling sandali kaya
gusto niya ay maging masaya rin si ama sa kanyang natitirang mga araw.

Sa maraming pagkakataon na kami ay nagka-usap sa telepono ay lagi namang
niyang nababanggit na wala na siyang mahihiling pa dahil lahat naman ng mga
pinangarap niya ay natupad at maliban sa akin ay nakakapiling naman niya ang
lahat ng mga anak. Masuwerte na rin naman ako ay hindi ko na rin nakita ang
kanyang paghihirap dahil sa kanyang karamdaman kaya tanging magagandang
alaala lang ng aking aking ina ang nakikita ko sa aking mga gunita.

Comments

Popular Posts