Ang Sinaliw Noong 1960's

Isang maliit na mundo na parang paraiso ang nayon ng Sinaliw noong panahon ng 1960's.  Malilim, puno ng malalaking punong-kahoy, bawa't kabahayan ay maraming tanim sa paligid, hindi lamang mga bulalklak kundi mga gulay na gumagapang sa balag na kawayan. Pawang mga bahay kubo pa noon na karaniwang haligi ay katawan ng punong kakawati, may hagdanang kawayan, at bakod sa silong para sa mga alagang manok at may bakid na pa-itlogan sa mga sulok.

Kung tutuusin ay hindi naman gaanong problema ang makakain dahil marami ang pananim at kung ikaw ay kakapusin ay madali naman ang makiamot sa mga kahanggan na mas marami ang pananim. Sa musmos pa noon na katulad ko, na hindi naman kinakatulong sa bukid, higit na maliit ang mundong aking iniikutan. Tanging ang mga bahay lamang na abot tanaw ang aking nalalaman at nakakarating lamang ako sa ibang kabahayan kapag isinasama ako ng aking Lolo at Lola kapag mayroon silang pupuntahan na handaan o mga padasal.

Ang gabi ay balot ng kadiliman dahil sa ang karaniwang gamit na ilawan ay ang de-gaas na ay mitsang pirok-pirok at bihira ang may ilaw na higit na maliwanag na Petromax. Tanging radyo na de-bateriya ang aming libangan at ang mga matatanda naman ay huntahan. Ang mga kabataan ay maagang magsitulog at maaga rin magsigising upang mag-abang ng naglalako ng tinapay.

Malayo ang kabayanan at kailangan mong maglakad ng may limang kilometro para makarating doon dahil sa wala pa noong mga sasakyan. Ang kalsada ng Sinaliw ay hindi pa simentado o aspaltado. Kinayod na daan lamang ito at kinalatan ng graba at bato hanggang sa Matagbak, bagama't pagsapit ng Marahan ay espaltado na hanggang bayan ng Alfonso.

Dalawang beses lamang sa isang linggo dumadaan ang biyahe ng BLBTCO na papuntang Maynila kaya siksikan ito. Dumadaan muna kasi sa Magallanes ang bus, tatahak ng Kaytitingga bago dumaan sa Sinaliw kaya karaniwan ay puno na ito ng pasahero bago sumapit sa tapat ng aming bahay. Dalawang araw di lamang bukas ang palengke ng Luksuhin kaya't kailangan mamaraka na ng sasapat na pang-isang linggo para sa mga pangangailangan.



 ( Ang larawan ay halaw mula sa Philippine Hearld )

Sa katulad ko na hindi naman gaanong lumalabas ng bakuran, ang bintana ang parang telebisyon na siyang koneksiyon ko sa paligid. Ang pakikinig ko sa kuwentuhan ng mga matatanda ang nagpapalawak ng aking kaalaman tungkol sa iba pang lugar na hindi ko nararating. Ang mga kuwento ng Kakang Leon ang nagpalawak ng aking imahinasyon at ang dula-dulaan sa radyo ang parang magpatotoo sa aking mga naririnig. Maaga rin akong natutong magbasa mula sa pagtuturo ng aking mga nakatatandang mga kapatid kaya nagkaroon ako dagdag na kaalaman mula sa mga aklat nila at sa mga komiks na aming pinabibili sa Lolo tuwing siya ay luluwas o mamimili sa Luksuhin.

Kapag tag-ulan ay karaniwang nasa bahay lamang kami. Hindi yon gaanong aging problema sa akin dahil sa hindi naman ako mainipin. Lagi akong katulong ng Lola sa paghihimay ng mais, paminta, mani, kagyos at tapilan na karaniwang ani namin sa bukid. Mayroon din kaming sungkaan at ako ang karaniwan na katulong ng Lola sa pag-giling ng kape, at galapong sa aming gilingan na bato.

Sa tag-araw naman ay marami kaming libangan dahil namumunga na ang mga tanim naming mga punong kahoy. May walo kaming puno ng mangga sa ibaba ng ilat kaya naglalatag na lang kami ng blanket para pahingahan habang naghihintay ng malalaglag na "bugnoy" o mga hinog sa puno. Mayroon din kaming mga tanim na puno ng kasoy, mangunguha ng mga hinog na bunga, gagayatin at aasinan, samantalang ang buto naman ay iiihaw. Mayroon din kaming kakaw, santol, abokado at duhat. Ang tag-araw ang panahon ng sagana, masaya at may mga kasayahan din tulad Flores de Mayo at alayan bawa't gabi sa buong kabuwanan ng Mayo.

Ang Pebrero naman ang panahon ng mga kapistahan. Ang mga taga-Maynila ay nagsisi-uwi dahil sa lahat ng bahay ay may handa. May pamisa karaniwan sa Tuklong at prusisyon naman para parangal sa Santa Teresa. At dahil nga sa hindi sementado ang kalsada, halos lahat ng taga-Maynila ay kulay blonde ang buhok dahil sa kumapit na alikabok sa kanilang naka-pomadang buhok. Masaya, lalo na aming mga kabataan na ang makakita ng banda ng musiko ay bagay na inaabangan bawat taon. Gayundin ang pagpapaputok ng mga kuwitis at ang mamulot ng mga baseyo ng bala mula sa mga nagpapaputok ng baril.

Marami pang bagay na nakakatuwang alalahanin. Mga bagay na sa makabagong kaisipan na ang inabot na panahon ay mayroong "computers, cellphones at internet", ay parang napaka-"boring" kung iisipin. Subali't sa mga katulad namin na malapit ng mamaalam sa mundo, ito ang katahimikan, kapayapaan, at mga ala-ala na nais namin balikan.

Mga ala-ala ng mga taong aming minahal na di na muling makikita. Mga taong nakapiling namin noong namumuo pa lamang ang aming pagkatao. Mga ninuno na siyang nagmulat sa amin ng kahalagahan ng buhay at pagbuo ng pangarap. Mga larawan na di na makikita ng aming mga iiwan kapag kami ay pumanaw na. Ang mabangong simoy ng hangin na hindi nila matitikman, lamig at linis ng tubig sa ilog na aming pinaglalaruan, at ang pagtatampisaw sa putik sa unang pagpatak ng ulan.   

Comments

Popular Posts