Ang Sitio Pulyok Noong 1960's

Bagama't napakabat ko pa noon para matandaan ang mga bagay na nagsasalarawan ng sitio ng Pulyok, ay marami naman akong narinig na mga kuwento ukol dito mula sa aking mga lolo at lola sa ina. Sa kanilang pangangalaga ako nagka-isip at ayaw din naman nila na hindi ko malaman ang lugar na aking pinagmulan. Ang aking ama ay mula sa Pulyok, doon isinilang at nagbinata bago niya napangasawa ang aking ina. Pook na muli kong binalikan noong ako ay nagbibinata para makilala ko naman ang karamihan ng aking mga kamag-anak.

Naandoon din ang pinakamagandang paliguan at languyan na dinarayo pati ng mga karatig-nayon. Naandoon din ang lahat ng mga kapatid ng aking ama na naging bahagi rin nang aking buhay at masasayang alaala. Marami akong kuwento na narinig at ang nais ko lamang ay maibahagi rin ito upang ang mga kabataan ng panahon na ito ay magkaroon ng kamulatan na hindi naman ganap na "boring" o walang kasiglaan ang aming kamusmusan noong unang panahon na walang kuryente, iniigib ang tubig, at ang tanging naghahatid ng balita at kaalaman ay ang de-bateriya  na radyo at mga matatanda na mahilig mag-kuwento.



Ang Sitio Pulyok ay dating bahagi ng Sinaliw. Isa itong makitid na kalyehon, kinayod na lupa lamang ang daan kaya't maalikabok sa tag-init at maputik naman sa tag-araw. Mangilan-ngilan lang bahay dito at halos ay mala-arko ang daraanan dahil sa halos nagpa-pang-abot na ang mga sanga ng punong-kahoy sa magkabilang bahagi ng makitid na kalsada.

Ang Pulyok ay nasa maka-ahon lamang ng ilog ng Buruhan, matarik ang daan at mayroong makitid na tulay na gawa sa makakapal na tabla. Sapat lamang na makadaan dito ang isang sasakyan at makailang ulit nang nasira ito dahil sa kapag malakas ang bagyo ay umaapaw ang ilog na may dalang malalakas na lagaslas ng agos mula sa silangan.

Noong panahong yaon ay wala pang ilaw ang mga lansangan kaya't  ang mga daraanan ay balot na ng kadiliman pagka-lubog ng araw. Ang mga taga-Sinaliw at taga-Pulyok na nag-aaral sa bayan ng Alfonso ay kinakailangang maglakad ng ilang kilometro para laman makapasok sa paaralan kaya't iniiwasan nila na magpa-abot ng dilim sa paglalakad ng pauwi. May kuwento pa nga ang mga matatanda na pagsapit ng dilim ay may naglalakad dito na kabaong na walang laman at naghahanap ng mabibiktima. Isang kuwento na katawa-tawa ngayon subali't noong mga panahon na yon ay nagdudulot ng malaking takot sa mga kabataan.

Sa makaahon naman ng kalyehon ay nandoon ang paaralang elementarya. Ang pasok ng mga bata ay simula ika-7 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon kaya't sila rin ay nagmamadali sa pag-uwi bago lumubog ang araw. Makalampas naman ng paaralan sa gawing kanluran ay mayroon ding munting sapa. May kuwento rin ang mga mga matatanda na bahay naman daw ang sapa ng mga nuno sa punso. Kaya noong ang mga bata ay hindi gumagala ng aabot sa Buruhan, at umiiwas na din maglaro sa malapit sa sapa.

Bagama't ako ay namulat sa nayon ng Sinaliw, ilang ulit din akong naipasyal ng aking lola sa ina patungo ng Pulyok para dalawin na ang noon ay may karamdaman na lola ko naman sa ama, ang Nanay Pinay. Wala man lamang akong naitabi na larawan ng Nanay Pinay kaya't hindi ko na natatandaan ang kanyang hitsura, gayundin ang lolo ko sa ama na malaon ng pumanaw bago pa man lang ako naipanganak.

Labindalawang magkakapatid ang aking ama nguni't ang tanging natandaan ko lamang noong aking kamusmusan ay ang Tiyo Fidel at Kakang Sayong. Si Tiyo Fidel ang pinakabunso sa magkakapatid at siya rin ang tumayong ninong ko sa binyag. Ang Kakang Sayong naman ang isa sa nakakatandang kapatid na babae ng aking ama na rin noong nag-aalaga sa lola ko na man karamdaman. Tanging ang tumatak lang sa isip ko ay bahay na matayog, may yero ang ding-ding, at sementadong hagdanan. Ang bahay na ito rin ang naging parang tagpuan naming magpipinsan noong kami ay nasa edad na nang kabinataan at kadalagahan.

Noong sumapit ang ika-6 na taon ko ay sinundo na ako nga aking ama upang iluwas ng Maynila. Hindi katulad ng aking mga nakatatandang mga kapatid, wala akong gaanong nakilala sa aking mga kababata. Nakakauwi na lang kami ng Sinaliw kapag bakasyon hanggang sa tuluyang lumipat ng ka-Maynilaan noong unang taon ng dekada 70 matapos na ibenta ng Lolo ang kanilang lupain.

   


Comments

Popular Posts