MGA GINTONG ARAL MULA KAY KAKANG LEON


Lahat ng bata sa nayon ay kilala ang Kakang Leon. Mahilig siyang magbiro at manakot ng mga bata lalo na sa mga lalake. Ang paborito niyang panakot ay may ahas daw siyang nakatago sa kanyang sombrero at ipatutuka ka niya kapag matigas ang iyong ulo. Lagi siyang may dalang itak at karit na putol, na ayon sa kanya ay pang-tuli sa batang supot.

Ang tanging libangan noon ng bawa't tahanan ay ang makinig sa radyo at magkwentuhan. Ang Kakang Leon ay kakaiba. Marami siyang kwento, mapagpatawa, malaro sa mga bata at kung minsan ay nariringgan ko rin siya ng mga pangaral. Nakakatuwang isipin na may mga nagaya ako sa mga pamamaraan niya ng pagku-kwento nang ako ay nagkaroon na rin ng pamilya.

Marami siyang kwento kaya unti-unti ang takot ko sa kanya ay napalitan ng kagustuhang makinig. Ilang na lugar ang nayon ng Sinaliw at sa isang murang kaisipan ay marami akong bagay na gustong malaman lalo na kapag ang ikinukwento niya ay tungkol sa Maynila. Sa aming nayon ay bihira nag may ilawan na katulad ng Petromax namin na kayang palinawanagin ang buong bahay subali't sa Maynila raw ay maliwanag ang lahat ng bahay at may mga ilaw pa na iba't-ibang kulay at animo ay nagsasayaw.

Mahirap maunawaan para sa akin na ang pansol ng tubig ay hindi katulad ng nasa ilog sa kanluran dahil sa bukod sa may paitaas at patagilid na silarit ng tubig ay nag-iiba-iba pa ito ng kulay at sumasayaw sa tugtog. Ang malaki raw pating pagkakaiba sa Maynila ay matataas ang sampayan ng damit at bawat kalsada ay mayroon nito.

Ang isa pang naaalaala kong kwento niya ay wala raw sa Maynila na mga nuno sa punso dahil sa natatakot na masagasaan sa dami ng mga sasakyan.  Wala rin daw doong tikbalang dahil sa takot sa mga pulis pero may mga bumbay na kumakain ng bata.

"Lukayo" ang tawag sa kanya ng aking Lolo pero halata mo na biro lang yon dahil sa tuwing makikita niya ang Kakang Leon na dumadaan sa tapat ng aming bahay ay tinatawag niya ito at inaalok na magmeryenda. Malimit ko silang makita na nagtatawanan at sadyang nilalakasan ng Kakang Leon ang kanyang kwento dahil alam niya nakikinig ako pati na ang iba kong mga kapatid.

Mga kathang kwento tungkol sa mga natikbalang, nabati ng nuno, at nakitang aswang. Kung minsan naman ay mga naging karanasan niya noong panahon ng digmaan laban sa mga hapon, at mga nakaktawang nangyari sa kanya kapag siya ay lumuluwas ng Maynila.

Gayun pa man, kahit na noong ako ay nag-aaral na Maynila ng elementarya ay hindi ko naman minasama ang mga kwento niya. Natataw na lamng ako kapag naaalala ko na ang nagsasayaw na pansol ay ang "dancing fountain" sa Luneta, ang mga mataas na sampayan ay ang kawad ng kuryente sa poste ng Meralco, at ang mga nagsasayaw na iba't-ibang kulay na ilaw ay ang mga karatulang "neon lights" ng mga pang-komersiyal na mga establisimientong tulad ng mga sinehan, restauran, at iba pa.

Mga kwentong pumukaw sa aking imahinasyon para magkaroon ako ng pagnanais na magbasa ng mga libro at iba pang babasahin, at makinig sa radyo ng mga drama at programa tungkol sa buhay sa ibang lugar  at sa ibang tao. Mga mumunting aral na narinig mula sa iisang itinuturing na "lukayo" o payaso, subali't nakapagdulot ng katuwaan sa mga murang isip na katulad ko.

Nakakatuwang alalahanin ang ating kamusmusan
Salat sa kaalaman, walang muwang sa'ting kabihasnan
Tanging mga munting kwento ng isang payasong nilalang
 Ang nagbigay ng pagnanais na malinang ang kaalaman


Comments

Post a Comment

Popular Posts