Si Kakang Andres, Kakang Piro at Ang Kapre

Noong ako ay bata pa, may takot ako kapag lumalabas ako ng bakuran dahil sa gawing ilaya namin ay mayroon kaming kahanggan na bihira naming nakikita na lumalabas ng bahay. May mataas na punong santol sa bukana ng bakuran , at malawak na solar na puno ng mga halaman. Sa balkon ay matatanaw mo na isang matanda na karaniwan ay nakaupong mag-isa. Siya ay ang Kakang Andres at ayon sa Kakang Leon ay may kapre na nakabantay doon sa gabi at sa puno ng santol natutulog. Ayon sa kanya ay nag-aabang ito ng bata na maliligaw sa ilalim ng puno, huhulihin ito at kakainin.

Sa gawing ibaba naman nito ay may nakatira din na mag-asawa, ang Kakang Piro at Andang Ilarya na parehong napakaputi ng buhok. Bihira di silang mangapit-bahay at nakakapunta lang kami doon kapag nanghihingi kami ng Ate Norma ko para manghingi ng Bongavilla at rosal para sa pag-gawa ng "bouquet" na handa sa "cavesilla" o alayan ng Flores.  Mabait ang mag-asawa, kaya nakakakuha kami ng marami at kung minsan ay binibigyan pa ng kami ng santol at abokado.

Nguni't kailanman man ay di ako nangahas na pumasok sa bakuran ng Kakang Andres. Kung minsan ay may nakikita akong mga bata na pumapasok sa bukana ng kanilang solar pero agad na nagtatakbuhan kapag sumigaw na ang Kakang Andres. Tinatanong ko naman ang Tatay Iko kung totoo ang sabi ng kakang Leon pero tatawa lan ito ng malakas. 

Mula noong marinig ko ang kuwento tungkol sa kapre ay lagi akong namimintana kapag malapit na ang dilim subali't dahil sa takot ay isinasara ko din ang bintana kapag nabalot na ng dilim ang paligid. Tanging ang radyo lamang ang libangan naming magkakapatid. Natatandaan ko pa nga ang pagkakasunod ng mga programa. Alam na alam ko na kapag tapos ang pinakikinggan ng Lolo na programa ni Johnny De Leon na "Lundagin Mo Baby" ay kasunod na ang "Lagalag" at "Kobra". Pagkatapos ay kasunod naman ang "Gabi ng Lagim" pero karaniwan ay natutulog na ako dahil sa takot.

Ang isa ko pang natatandaan ay doon kami nakikiraan sa mga Kakang Piro kapag papunta kami ng Lola ko sa ilog sa kanluran dala ang mga labahin. Napaka-simple lang ng buhay noon. Bihira ko ngang matanaw ang mga kabahayan sa dalawa dahil hindi sila gumagamit ng katulad ng ilawan namin na Petromax. Bihirang gabi ang walang katalakayan ang Lolo sa ibaba at hinahayaan naman kami na makinig sa usapan bagama't pinagbabawalan kami na makihalo. Dangan nga lamang at pina-aakyat na rin kami para matulog kapag palalim na ang gabi.

Ganoon lamang kapayak ang mundo ng aking kamusmusan. Sinaliw na tahimik maliban sa mga umpukan, sa araw naman ay nililibang ko ang aking sarili sa paglalaro ng mga butil ng mais na pinagdudugtong ko para makabuo ng larawan, sungka at siklot. Hindi ako gaanong lumalabas ng bakuran para makipaglaro sa ibang bata. Lagi kasi akong talunan sa habulan at patintero, lalo pa't ang kalaro ko ay mga babae na hindi ko man lang abutan sa takbuhan. Hindi rin ako natutong maglaro ng trumpo, yoyo at sarangola. 

Munting mundo na nagbago lamang nang ako ay sunduin ng aking ama noong ako ay anim na taong gulang para sa Maynila mag-aral. Isang bagong mundo na walang kapre, tikbalang at nuno sa punso. 

Comments

Popular Posts