Ang Pinakamalas na Tao sa Mundo
Mahigit 30 taon na akong nagtitinda ay napakaraming uri na ng tao ang aking mga nakasalamuha nguni't minsan ay may nakilala ako na ayon sa aking kakilala rin na magwe-jueteng ay ang pinakamalas na raw sigurong tao sa mundo.
Isang araw habang ako ay nag-aayos ng mga paninda, may lumapit sa akin na isang matandang lalake. Hindi siya gaanong kataasan, payat ang katawan, halata mong sunog sa araw ang balat, at hapis ang mukha. Bahagyang marumi na rin ang kanyang damit, may hawak na palstic bag na may sari-saring laman, at sa kanyang anyong pangkalahatan ay mapapansin mo ang labis na kahirapan.
Nag-aatubili siyang lumapit, anhin mo ay kumukuha ng lakas ng loob. Halos basag ang boses, naki-usap siya sa akin na kung maaari y makahingi siya ng tulong kahit kaunting halaga man lang para makabili siya ng pagkain na maiuuwi sa kanyang 6 na anak. Nakaramdam ako ng habag sa kanya lalo na ng sabihin niya na wala raw silang naisalba sa sunog na nangyari sa kanilang lugar.
Lingid sa aking kaalaman ay nsa gawing likuran pala ng tindahan ang magwe-jueteng na si Jamil at kami ay pinagmamasdan. Matikas na lalake si Jamil, sanay sa hirap at mahigit na ring 20 taon na laman ng palengke. Palibhasa ay umiikot siya sa loob at labas ng palengke ay halos kilala niya at kilala rin siya ng lahat ng empleyado at mga may puwesto sa aming lugar.
Nakangiti siyang lumapit sa amin at tinanong ang lalake kung kailan at saan sila nasunugan. Biglang tumawa ng malakas si Jamil at ang sabi, " Sa lahat ng nakilala kong tao, ikaw na yata ang pinakamalas ! Noong bagyong Ondoy, naanod ng baha ang bahay mo. Noong na-tsunami ng bagyong Yolanda ang Leyte, nandoon ka rin. Noong masunog ang Laperal, nasunugan ka rin. Ngayon nasunugan na naman kayo ! "
Napahiya ang lalake at kakamot-kamot na umalis. Naging ugali na namin mag-asawa ang mag-abot ng kahit konteng barya sa mga namamalimos. Alam naman namin na marami rin ang ganito ang ginagawang hanap-buhay, pero kung pakakaisipin mo kung minsan ay may mga tao talagang wala ng ibang paraan na maisip kung paano maitatawid ang gutom sa bawa't araw. Para ka na lamang namamana ng alamang, mahirap makatama pero kung minsan ay nakaka-tsamba ka rin.
Minsan nga ay may biniro ako na may-ari ng kantina sa palengke. Kasalukuyan akong kumkain doon ng pananghalian ng may lumapit na hindi pa naman katandaan babae na namamalimos. Tinanggihan niya ito at nang makalayo ang nagsabi, " Mas malakas pa sa akin, eh hindi mag-trabaho. " Tinanong ko siya ng pabiro, ang sabi ko, " Bakit naman, kung mag-apply ba sa'yo kahit taga-ligpit ng kinainan, tatanggapin mo ba ? "
Naalala ko tuloy ang isang palaboy na araw-araw ay nasa tapat ng aming tindahan at nag-aarkila ng diyaryo. Hindi lamang basta dyaryo ang binabasa niya, Manila Bulletin, Philipiine Daily Inquirer at Philippine Star. Kung tawagin siya ni Jamil ay "Bin Laden" dahil sa malago niyang balbas at di pangkaraniwang kataasan. Hirap siyang magsalita at hindi naman namamalimos. Meron naman siyang pera kahit papaano, at nagbabayad ng maayos kapag bumibili ng pagkain at sigarilyo.
Karaniwan ay makikita mo siya sa gulayan, namimili ng mga "reject" o itinapon na gulay at kapag may sapat ng nakuha ay bibili ng kanin at kalahating order ng ulam na may sabaw. Dadalhin niya ang pagkain sa isang sulok, isasabaw ang ulam sa mga napiling gulay na hilaw at matahimik na kumakain. Alam ko yon dahil sa katabi ko ang tindahan ng dyaryo at malapit sa puwesto ko siya lagi kumakain.
Minsan nga ay may nakita akong kaunting kaguluhan dahil sa itinataboy siya ng mga guwardiya palabas ng palengke. Maya-maya ay mayroong isang naka-unipormeng opisyal ng militar ang lumapit at sinaway ang mga guwardiya. Ayon sa kanya ay isang dating sundalo ang lalake, nawalan na lamang ito ng pag-asa sa buhay dahil nadamay sa kaguluhan sa destino niya ang asawa nito at dalawang anak. May "honorable discharge" ito at nagkaroon pa nga ng mga medalya dahil sa kabayanihan. May pensiyon itong nakukuha buwan-buwan at noong araw na iyon ay nagkataon lamang na iaabot niya ito.
Magulo, masalimuot ang palengke at marami kang kuwento na dito ay maririnig. Bawa't tao ay may pinagdaanan, sana ay di natin sila agad hinuhusgahan.
Comments
Post a Comment