Bakit 18 Ang Butas ng Larong Golf ?





Ang larong Golf ay karaniwang libangan ng mga mayayaman.  Ang tawag nga dito ang "Zen of Sports" o sa ating lengguahe ay ang kalagayang meditatibo at pagkamulat sa matalinhagang kamalayan.  Dahil sa larong ito ang tunay na kalaban mo ay ang iyong sarili, kung paano mo inaalis sa isip ang lahat ng mga negatibo upang magkaroon ka ng kontrol sa iyong mga kilos. Nagkakaroon ka rin ng pagkakataon na makapag-isip o magnilay-nilay habang patungo sa bawa't yugto ng laro. 

Ang larong ito ay nagmula noong ika-15 siglo sa bansang Scotland ng isang tagapag-alaga ng tupa upang maglibang habang nagpa-pastol ng mga ito. Dahil sa nakakalibang itong laro, unti-unti itong naging bahagi ng kultura ng mga Scots at naging bantog na paligsahan sa kalaunan. Ang malaking kaibahan nito sa ibang laro ay pauntian ito ng bilang o "score" ng pagpalo sa bola na ihuhulog sa mga butas na ayon sa torneo. Pero bakit nga ba 18  ang napagkasunduan na butas para matapos ang laro ?




Ang mga Scots at Irish ay kilala sa hilig ng pag-inom ng alak, at may inuman silang baso na may sukat ng isang tagay o "shot-glassa". Kasabihan na nga ng mga Scots at Irish, " They drink when they're happy, they drink when they're sad " o sa ating wika, "Tumatagay para ipagdiwang ang ligaya, at tumatagay para lunurin ang kalungkutan. Kung sa atin ay pangpa-gising ay kape, sa kanila ay isang tagay ng "whisky".

Kaya noong unang panahon, kahit sa paglalaro ng golf ay may baon silang bote ng alak. May iisang uri ng botelya na ginagamit para lagyan ng alak at siyempre ang "shot-glass". Sa bawa't yugto ng laro, isang tagay muna. At ang isang bote ay katumbas ng 18 tagay, kaya napagkasunduan ng mga manlalaro na hanggang 18 na lang na butas dahil ubos na rin ang kanilang inumin.

Sa ngayon, ang larong golf ay itinuturing na laro ng mga may kakayahan sa buhay. Ang mga "golf courses" o pook laruan ay sadyang ginugugulan ng malaking halaga para mapaganda at mayroon pang "club house" na may mga pagkain, inumin at iba pang serbisyo inihahandog para sa mga manlalaro. Dito rin karaniwan nagaganap ang mga lihim na transaksiyon ng mga negosyante at mga pulitiko.

* Isang Maikling Kuwento Tungkol sa Golf :

Minsan, may isang pastor na sa maraming taon na nang pagsisilbi sa kanilang simbahan ay nakapag-pasya bigyan layaw naman ang kanyang sarili. Sa unang pagkakataon ay nagdahilan siya na mayroon siyang karamdaman kaya hindi siya makapupunta sa isang pagdiriwang ng kanilang kongregasyon. Palihim siyang umalis, dala ang kanyang sasakyan ay nagtungo sa ibang probinsiya para maglaro ng golf at makapagnilay-nilay.

Ang tamang bilang ng palo sa golf na may 18 butas ay 72.  Ang bawa't palo ng bola ay iyong binibilang kaya't kapag nakaka-iskor ka ng 90 ay masasabi nang ikaw ay may kakaiba nang kagalingan. Ang mga propesyonal ay karaniwan nakaka-iskor ng mas mababa pa sa bilang na ito kaya't sa bukana pa lamang ng laruan ay nakatala na ang 10 may naging pinakamababang iskor na magiging pamantayan ng mga maglalaro.

Maganda ang pakiramdam ng pastor noong araw na iyon at bagama't hindi naman siya kagalingan sa paglalaro ay may iskor na siyang 70 bago sumapit ang ika-18 butas. Sa kanyang kalooban ay nagbubunyi na siya kaya noong papalo na siya sa ika-18 butas ay panay na panay niya ang dalangin sa sarili na sana ay  makuha niya kahit paano ang iskor na 72.

Sa huling pagkakataon, at malamang ay matagal na uli bago maulit ay pikit mata niya pinalo ang bola. Kitang-kita niya na lumipad ang bola nang pataas, mahigit 100 yarda ang layo, bumagsak sa damuhan at unti-unting gumulong patungo sa butas. "Hole-in-one".  Nagpalakpakan ang mga nakakita. Naglulundag ang pastor sa tuwa, lalo na ng lapitan siya ng "course manager" para ibigay sa kanya ang isan tropeo at premyo na sampung-libong piso.

Habang nagmamaneho siyang pabalik sa kanilang tirahan, nabagabag ang kanyang isipan --

                         " Kanino ko naman puwedeng ikuwento ang nangyari ? "

Comments

Popular Posts