Buhay-Sinaliw Noong 1960's (Part 2)



Sadya nga palang kapag buhay mo'y nasa takip-silim
Ang mga gunita at alaala'y nagbabalik mula sa dilim
Nayon mong iniwan ng dahil sa kinang ng Maynila
Ay nais muling balikan sa araw ng iyong pagtanda

Wala pa noong Jolibee na may chicken joy, nguni't kapag maganda ang ani at humiling ang mga bata, madali lang ang manghuli ng isang dumalagang manok, manungkit ng hilaw na papaya, pumitas ng ilang talbos ng sili at kapirasong luya, mayroon ka ng tinola. Ang pitso ay pwedeng iprito lagyan ng konting asin at mayroon kang handang Purico (mantikang namuo na hugis bareta ng sabon) para paglutuan. Ayos na ang tanghalian at hapunan. 

Wala pa rin noon "hamburger" pero may naglalako naman ng pandekoko o tinapay na may palaman na minatamis na niyog o di kaya ay minatamis na tapilan. Ang pinakasikat noon na magtitinapay ang galing sa panaderia sa Marahan ng Kakang Takya. Sa umaga ay nag-aabang na kami ng mga bata na nagrarasyon ng pandesal at gawing hapon naman ay iba't ibang uri ng tinapay, tulad ng bitso at pilipit.
Singko o limang sentimo lang noon ang halaga ng pandesal na higit na malaki at masarap sa nabibili ngayon na tig-dalawang piso. 

Mahalaga pa noon ang sentimo kasi ang isang mamera ay katumbas na ng isang kendi na "Dulce Amor". Kendi ito na sinlaki ng pangkaraniwang duhat na pinagulong sa asukal at may iba-ibang kulay. Singko naman ang "Choconut" na may dalawang klase, purong chocolate o may budbud ng mani, at higit na malaki ito kaysa nabibili ngayon. Basta noon kapag may singko ka, marami ka nang puwedeng mabili na uri ng kendi o matamis na pagkaing pambata.

Mahirap man noon na kumita ng pera, mura ang bilihin. Trenta sentimos ang isang salop ( dalawa at kalahating kilo ) at isang plangganitang galunggong na mahigit isang kilo ang timbang ay nagkakahalaga lamang ng piso. Ang kilo ng baboy ay uno singkwenta, at dalawang piso ang karneng baka at isdang tanigue. Hindi mo na problema ang mga pansahog dahil kung wal kang tanim sa iyong bakuran ay maari ka namang manghingi muna sa mga kapit-bahay.

Ang mga inumin na de botelya tulad ng Sarsi at Sunta orange ay diyes sentimos at ang Coke at Pepsi naman ay kinse sentimos. Pero dahil nga sa liblib na lugar pa noon ang Sinaliw ay wala pang nagbebenta noon sa mga tindahan at kung may maligaw man na baon ng galing sa bayan o Maynila ay wala naman na palamigan dahil wala naman noon na kuryente. Ang sadyang inumin noon na katumbas ng softdrinks ay tuba na bagong baba mula sa tukil na manamis-namis. Umaasim na ito sa kinabukasan kaya iniimbak na lang sa tapayan para gawing suka.

Kung wala ka namang pambili ng pandesal o gusto mong magtipid, may pang-almusal naman na nilagang saging, balinghoy, kamote o gabi. Sa panghalian at hapunan ay maraming gulay na maaring ilaga sa luya katulad ng sitaw, kadyos, tapilan, patani, okra, upo, kalabasa at marami pang iba. Sa meryenda ay pwede kang magginataan ng saging, kamote, langka at galapong. Marami pang maaaring lutuin na hindi mo na kinakailangan bumili maliban sa asukal at gatas.

At siyempre, wala rin gastos sa pagluluto dahil sa ang kalan na gamit at ginagatungan lang ng kahoy. Ang karaniwang kalan ay may tatlong tungtungan na nakalatag sa pinormahang abo na pinalapot sa tubig at parang malambot na semento. Konting gaas lang ang kailangan para makapag-parubdob ng apoy at dagdag panggatong kapag humihina na ang apoy.

Noong una ay sa ilog pa iniigib ang tubig nguni't kung hindi ako nagkakamali ay nagkaroon na ng poso noong 1962 malapit sa tuklong. Ang malaking tapayan ay naglalaman karaniwan ng walong balde at ang maliit naman na nilagyan ng gripo para inuman ay dalawang balde ang laman. Karaniwan noon ay walang palingkuran ang mga kabahayan kaya't sa gawing ibaba ng bahay ay mayroon lamang na hinukay para duon makapagbawas. Tinatapunan na lamang ang dumi ng lupa, at pinalibutan ng dingding na kayakas para magmukhang palingkuran.

Kasabihan na nakakain ka lang ng iba't-ibang lutuin kapag may handaan o kapistahan, pabasang-gilagid, padasal at pasanghiyang. Kapag Flores naman ay karaniwang meryendahin ang mga handa.  Ganundin kapag Undas, lahat halos ay naghahanda ng kakanin. At higit sa lahat ay kapag simbang gabi dahil may pondahan sa palibot ng tuklong at maaari kang makabili ng tinapay, kalamay, bibingka at puto-bungbong. May libre pang nilagang kape.

Ang papanday ng kubo ay ipanagyayakag lamang kapag may bagong ikakasal. May handa lang na pagkain ang maybahay. Nakakita pa nga ako noong bata ako ng "bayanihan" o pagbubuhat ng bahay sa may katabi ng aming solar para sa bagong kasal. Hindi ko na nga lamang matandaan kung sino ang namahay sa aming katabi dahil sa lumipat di naman sila makaraan ng ilang taon.

Napa-simple ng buhay noon nguni't sadyang mapang-akit ang mga kuwnto tungkol sa Maynila kaya't ang halos lahat ng mga kabataan ay doon nais na manirahan. May kuryente, may telebisyon, maliwanag, maraming pasyalan at kainan, at higit sa lahat ay mas madali ang kumita ng pera. Ang anumang layaw ay may katumbas na halaga kaya't mas marami kang kikitain, mas marami kang magiging karanasan. At tulad ng iba, lahat kami ay lumisan ng Sinaliw para sa lunsod manirahan. Dumating pa nga sa punto na ibinenta ng aking mga Lolo at Lola ang lahat ng kanilang ariarian upang makabili ng bahay at lupa sa siyudad at doon na tuluyang mamuhay.

Maraming taon na ang lumipas. Ibang-iba na ang nayon ng Sinaliw. Kung may sasakyan ka makakaluwas ka ng Maynila ng humigit-kumulang na dalawang oras lamang. Halos lahat ng pangangailangan ay mayroon na sa nayon - kuryente, tubig at pati internet. Sa bayan ng Alfonso at Luksuhin ay may moderno ng mgapamilihan  at wala pang isang oras ay nasa lunsod ka na ng Tagaytay, ang Little Baguio.

Lahat halos ng nagsi-alis ay nais nang bumalik. Pangarap ng bawa't pamilya ang muling makapag-adhika dito ng lupain at tirahan. Nayon na kinamulatan, sana ay nayon na rin ng huling makikita sa aming paglisan.



Comments

Popular Posts