KP-04 : TINIMBANG KA, BAKIT KULANG ?

Sa bawa't paninda, may kaukulan namang tutubuin pero may mga tindera na hindi pa rin kuntento sa tubo, gumi-gimik pa sa timbangan. Bilang serbisyong-bayan, meron namang inilagay na mga timbangang bayan  sa loob ng palengke, pero may mga nagpapalusot pa rin. Narito ang ilang mga tip para hindi kayo madaya sa inyong binibili.


Sa Wet-market : Isda
---------------------------
Kapag sa palengkeng-bayan, maayos naman ang mga timbangan dahil may gumagala na mga inspektor na nagbibisita kung maayos ang mga ginagamit na "weighting scales." Malaki ang multa kapag nahuli kaya't makatitiyak ang mamimili na kapag sa mga puwesto ng palengke sila bumili ay tama ang timbang. Ang problema lang ay kapag pinalinis ninyo ang isda dahil sa hindi na ninyo masisiguro ang timbang dahil sa nabawasan na ito ng hasang, tiyan, kaliskis at mga palikpik. 

Karaniwang ginagamit na mga kahoy na sangkalan ay makapal at di mo gaanong masisilip ang gawing likuran nito. May mga tindera na kusang inilalaglag ang ilang pirasong isda sa likuran ng sangkalan kaya't lingid sa iyong kaalaman ay nabawasan na pala ang bilang ng isda na iyong nabili. Kung maari ay bilangin kung ilang pirasong isda ang bawa't kilo upang di ka madaya sa pagbili.

Ang isa pang dapat tandaan ay tanungin muna ninyo ang nagtitinda kung maaaring pumili ng isda. Karaniwang kasing nasa ilalim ng tumpok ay medyo bilasa na ang mga ito sanay na sila sa pagdampot kaya ang karaniwang naibibigay sa iyo ang hindi na maganda ang kondisyon. May mga magtitinda kasi na suplada at ayaw ng pinipilian ang kanilang paninda kaya't sa ganitong paraan ay maiiwasan ninyo ang pagtatalo.

Sa Sea-foods  :
Ganoon din naman sa seafoods tulad ng hipon at sugpo. Karaniwan ay nakababad ang mga ito sa tubig na may yelo para mapanatili ang kasariwaan. Tiyakin lamang na hindi kasama ang tubig sa pagtitimbang. Magtanong din muna sa tindera kung maaring mamili ng titimbangin upang maiwasan ang pagtatalo.

Sa Chicken section  :
Ang karaniwang daya naman sa manukan ay ini-injectionan ng tubig ang manok para magmukhang mas mataba bago "i-frozen." Sa ganitong paraan ay nadaragdagan ng bahagya ang timbang nito kaya't karaniwan ay piliin na lang ang mga nakabalot na buong manok na hindi na "frozen." Mayroon din bukod-bukod na magkakapareho ng bahagi kaya't higit kayong makasisiguro na tama ito sa timbang. Ang karaniwang dayaan sa tindahan ng manok ay ang "palit-plastic." Kapag nalingat kayo ng bahagya ay mabilis nila napapalitan ng ibang manok na nakaplastic ang inyong nabili kaya't magugulat na lang kayo na kapag nasa bahay na ay may masangsang na amoy na ang inyong nabili.

Sa Meat section  :
Katulad din sa naunang dalawa, kinakailangan maingat ka rin sa pagbili ng karne. Kapag nahalata nila na hindi sanay ang mamimili ay puro patapyas naman ang hiwa nila sa karne kaya't ang mga bahagi na medyo ilado na ang ibibigay sa iyo. Kung hindi naman gaanong marami ang bibilhin ay pumili na lang ng mga nakabukod na nahiwa na. Ang karaniwang pandaraya din sa mga mamimili ay ang "pali-plastic" din kaya maging maingat sa pagmamasid ng inyong mga nabili na.

Sa Vegetable section :
Katulad ng mga nauna, magtanong din muna kung maaring mamili ng bibilihin at kikiluhin upang maiwasan ang pagtatalo. Karaniwan ay nasa ilalim din ng tumpok ang mga may bahagyang diperensiya na paninda kaya't maiiwasan na makakuha kayo ng pabulok na paninda kung kayo mismo ang pipili. Magtanong din muna ng halaga per kilo upang di kayo mabigla kapag nagku-kwenta na kung magkano ang nabili.

Sa Rice and Cereals :
Karaniwan, sila ang mga "Big Time" sa loob ng palengke. Subali't tulad ng iba, mayroon din silang mga hindi kanais-nais na gawain. May ilan sa kanila na inire-repack ang NFA rice sa ibang sako upang mapresyohan ng higit na mataas na halaga. Karaniwan din ay may halo ang nabibili nating bigas. Ang tangi nilang katuwiran ay iyon daw sadya ang kalakaran sa loob ng palengke, pwede ka naman daw pumili para makain mo ang gusto mong klase ng bigas. Ang dapat lang ingatan ay siguraduhin na ang natatapon sa lagayan ng timbangan ay muling maisalin sa supot bago ito isarado. Karaniwan na kasi ang may natatapon habang isinasalin sa supot ang bigas at kahit paano ang natitira sa timbangan ay bahagi rin naman ng iyong binayaran.

Ang Puso ng mga may Puwesto sa Palengke  :
Hindi naman lahat ng nagkaka-puwesto sa loob ng palengke ay maituturing na naka-aangat sa kabuhayan. Mayroon ding ilan sa kanila na hindi pinapalad at nababaon sa pagkaka-utang dahil sa mataas na binabayaran sa upa at labis na gastusin sa pagpapa-aral ng mga anak. Sa palengkeng aking pinagtitindahan, marami din ang hindi gaanong mataas ang pinagaralan't tanging ang sipag at tiyaga ang naging daan upang sila ay umasenso sa buhay. Marami rin naman sa kanila ang may mga saloobin na nais sana nilang mabago sa pamamahala ng palengke subali't hindi magkalakas ng loob na imungkahi iyon sa opisina ng pamilihan. Mga bagay na sinasamantala naman ng mga namamahala upang makapagpatupad ng mga alituntunin na nakaragdag sa kanilang pasanin gayong di naman nakakatulong sa kanila.


Sidewalk  Vendor  :
Karaniwang sa mga konte lamang ang bibilihin ay hindi na nagpupunta sa palengke at sa mga nakapuwesto na lamang sa bangketa nagsisibili ng kailangan. Hindi naman lahat ng magtitinda sa bangketa ay nandaraya kaya't kung pangsariling luto lamang ay maari na ri ang sa kanila bumili lalo na kung naka-tumpok. Subali't di tulad ng nasa loob ng palengke, ang timbangan nilang gingamit ay hindi selyado ng munisipyo kaya't karaniwan ay kulang sa timbang.

Sa biglang tingin ay higit na mas mura ang halaga ng kilo, lalo na sa mga magka-kariton subali't halos ika-apat na bahagi ng kilo ang nawawala. Karaniwan ay may ilan lamang na namumuhunan sa mga magka-kariton kaya't magkaka-grupo ang mga ito kaya't kapag nauwi sa pagtatalo ang reklamo ng mamimili ay argabiyado sila sa bilang. Usong-uso rin sa kanila ang "bomba" o ang supot-supot na bina-bargain kapag konte na lang ang laman ng kariton, nguni't karaniwan ay halos bulok na paninda an ang nasa ilalim ng supot. 

Ang Puso ng Side-walk Vendors  :
Ang bangketa ang paraiso ng mga taong nais maghanap-buhay sa marangal na paraan nguni't walang sapat na puhunan upang makakuha ng bayarang puwesto sa loob ng palengke. Karaniwan ay sa madaling-araw sila namimili ng ititinda, at maghapon sa bangketa, ulanin man o arawin. Sa pagsapit ng dilim, lalo na ang mga kalalakihan ay makikita mo sila nagku-kulampunan sa isang sulok at nagsa-salu-salo sa inumin at konteng pulutan. Sanay na sila sa mga pumupuna subali't para sa kanila ay iyon lamang ang konteng kapritso sa katawan na kanilang makakayanan.

Subali't di alam ng mga pangkaraniwang tao, ang kanilang "paraiso" ay pinamumugaran ng maraming salot ng lipunan. Nandiyan ang mga naka-unipormeng awtoridad na kinakailangan nilang lagyan para hindi sila itaboy, gayundin ang mga taga-Barangay na nakikibahagi sa kanilang pang-araw-araw na kinikita. Mayroon ding mga siga-siga na kanila ay nangingikil at mga batang-hamog na malingat lang sila ay mangda-rampot ng kanilang paninda. At pamin-minsan ang mga mandaraya, at mga manloloko na sinasamantala ang kanilang pagtitiwala at kakulangan ng kaalaman.

Ang mga bagay na ito ay madaling makasanayan, datapwa't ang higit na kanilang dinaramdam ay ang mga mapanglait na tingin at mga salita ng mga taong kanilang nakakahalubilo. Karamihan sa kanila ay di gaanong nakapag-aral kaya't madali ring mapagsamantalahan ng mga makapangyarihan at mandaraya sa lipunan. Ang karaniwan nga nilang reklamo ay ang mga mamimili na mababa ang pagtingin sa kanila at kung mag-salita ay parang tinatawaran na pati ang kanilang pagka-tao.

Pahuling Salita :
Sana ay maunawaan ng mga mamimili natulad din ng karamihan sa kanila, nais din ng mga magtitinda na maghanap-buhay ng marangal. Kung mayroon mang hindi gumagawa ng tama ay sana ay huwag naman silang lahatin. Marami rin silang mga obligasyon na kinakailangang harapin katulad ng pangangailangan ng pamilya, bayarin sa puwesto at sa buwis, gayundin sa mga pagkaka-utang. Ang tanging paki-usap nila ay sana ay huwag naman silang hamakin dahil sa kanilang katayuan.




Comments

Popular Posts