KP-03 : KUNG TAWAGIN SIYA'Y KAMAHALAN
Mahigit dalawampung taon na akong may puwesto sa Guadalupe Commercial Complex sa Makati.
Maraming uri na rin tao ang aking nakasalamuha at isa sa mga nakakatuwang tao na aking nakilala ay si "Kamahalan". Maraming taon ko rin naman siyang nakilala subali't kailanman ay hindi ko naisipan na alamin ang kanyang tunay na pangalan. Ganoon na kasi ang nakasanayan sa palengke, kung hindi mo rin lang tunay na kaibigan, karaniwan ay sa mga alias na pangalan mo na lang sila nakikilala.
Pangkaraniwan na sa palengke ang mga nagbebenta ng kung anu-anong gamit, katulad ng cellphone, relos, alahas at mga sari-saring pang-personal na gamit na kung tawagin ay GSM o "galing sa magnanakaw." Ganoon din ang hanap-buhay ni "Kamahalan" nguni't naniniwala ako na hindi galing sa masama ang kanyang mga inilalako. May mga kakilala siyang may mga tindahan sa palengke at sa palibot ng Guadalupe na pinakiki-usapan niya na mailako ang kanilang paninda at pinapatungan na lang niya ang halaga para mayroon siyang kinikita.
Iyon ang dahilan kung bakit siya nabansagan na "Kamahalan". Pangkaraniwan na kasing bunghalit ng kanyang nilalapitan ang salitang "kamahal naman" sa pagnanais na matawaran ang kanyang itinitinda. Sa ganoong paraan ko din siya nakilala. Minsan ay inalok niya ako ng mga segundamanong gamit na kainan at sinubukan ko na bumili sa kanya ng plato at mangkok. Nahalata niya parang kulang ako sa pagtitiwala kaya ipinaliwanag niya sa akin na mga gamit iyon ng isang pamilya na paalis patungo sa ibang bansa at nag-aarimunahan na maibenta kahit sa magkanong halaga ang mga gamit na hindi na nila madadala. Mayroon din isang kakilala na nakapagbulong sa akin na hindi naman siya ka-tropa ng mga kilalang "buraot" at "kawatan" sa palengke.
Sa unang tingin ay sadyang may mamumuo sa iyong hinala na siya ay hindi mabuting tao. Ang biro ko nga sa kanya ay mukha kasing siyang "hindi magtitira ng ulam" kaya sana ay huwag niyang daramdamin kung hindi agad magtiwala sa kanya ang kanyang mga nilalapitan. Dahil nga sa mayroon din akong tindahan, pinaki-usapan niya ako na kung mga gamit ako na gusto kong mai-dispatsa ay siya na ang maglalako. Ang sa isip ko lang ay wala naman gaanong mawawala sa akin kung susubukan ko.
Noong 1994 ay mayroon kaming gym ng aking kapatid at may mga gamit ako sa Tae Kwan Do at Kick-boxing na hindi ko na ginagamit. Dahil sa matagal na rin namang nakatago lang ang body armors at iba pang gamit na pang-ensayo ay iyon ang una kong ipinabenta sa kanya. Tinutukahan ko lang siya ng halaga na kainaman para sa akin ay siya na ang nagbabakasakali kung magkano niya maibe-benta ang mga ito. Ang sa akin lang naman ay magkaroon lang ako ng pambili ng pan-ulam ay bahala na siya kung magkano ang kanyang kikitain. Bukod doon ay alam ko na may pamilya din siya at kahit paano ay makakatulong sa kanya ang kanyang kikitain.
Noong napansin ko na mapagkakatiwalaan naman siya ay unti-unti ko nang naipabenta sa kanya ang mga ilan pang gamit ko nai-pundar noong araw at kahit paano ay may pinaghahatian naman kami mula sa pinagbebentahan. Nakakatuwa rin naman ang kanyang ugali. Kahit na halata mo ang kanilang kahirapan ay pinipilit niya nahuwag gumawa ng masama. Dangan nga laman at sadyang may mga tao rin na mapagsamantal sa mga taong katulad niya.
Wala naman siyang tinatanggihan na trabaho basta kaya niya. Maari mo siya papaglinisin at minsan nga ay sa kanya ko pa ipinahanap ang nangangamoy na patay na daga sa aming puwesto. Noong makita niya at malinis ang lugar na kanyang napagkuhanan ng patay na daga ay binigyan ko siya ng isandaang piso. Sinusubukan niyang ibalik sa aking ang limampung piso nguni't hindi ko na rin tinanggap. Mahahalata mo sa kanya na nahihiya rin naman siya kahit paano na magsamantala sa kabaitan na ipinakikita sa kanya.
Karaniwan nga kapag nautusan siya na magkargador sa mga may pa-deliver na prutas, ang ibinabayad sa kanya na prutas ay sa akin niya ibinibenta. Hindi siya katulad ng iba sa palengke na kapag na-obliga mo minsan na magpatulong sa gawain ay babalik-balikan ka na para maghingi ng panigarilyo, o pang-meryenda.
Hindi naman ako maramot subali't sa tagal ko na sa palengke ay nasanay na ako sa ugali ng mga siga-siga. Minsan mo lang mapagbigyan ay hindi ka na titigilan. Noong kalaunan ko na sa palengke ay hindi na ako nagbibigay sa mga nagku-kunwari na nangongolekta sa patay, pa-birthday daw kay kapitan, o ano pa man. Ang isang bagay na dapat mong matutunan sa palengke ay namimili rin naman ang mga siga-siga ng kinakatalo at kapag sa palagay nila ay delikado ay hindi ka narin naman nila gagambalain.
Kung misan nga ay naitatanong ko sa aking sarili. Sino ba talaga ang tunay na masama ? Iyon bang mga nagnanakaw o iyong mga bumibili ng nakaw ? Madali mo naman na malaman na nakaw ang iyong binibili. Karaniwan ay palihim na ini-aalok at ang mga nag-aalok ay mga kilala mo naman na tambay at mga walang hanap-buhay. Kung minsan nga ay maririnig ka pa na nag-oorder kung anong modela ng cellphone ang hanap nila. Ang tanging matuwid nila ay "hindi naman daw sila ang gumagawa at kung hindi naman daw nila bibilihin ay may ibang bibili."
Sa sentido kumon o "common sense", kung walang "demand" o bibili, wala ring "supply" o magbebenta. Isang pag-uugali na pinasasaringan ka pa na "ipokrita" o mapagkunwari kaya't sa palengke ay may nakasanayan ng batas - "walang paki-alaman kung ayaw mong may makialam sa'yo.
True enough, bihira ka lang makakita ng ganyang tao na kahit masasabi mo ng nasa kapit-patalim na estado sa buhay ay mayron pa ring dignidad at prinsipyo. The many colors of Guadalupe Market...
ReplyDeleteThe sad thing is sanay na raw siya ng pinagduduhan. Hindi naman daw niya kasalanan ang ipinanganak siyang pangit na mahirap pa. Sa palengke naman kasi ubod din ng dami ang mga manloloko at kawatan, kaya nga ang sabi ko sa kanya - huwag ka na lang umasa sa kabaitan ng ibang tao para kapag may nagpakita sa'yo ng mabuti para kang nakatama sa jueteng.
Delete