KUWENTONG KUSINERO
Mayroon akong magandang kuwento na nabasa. Isinalin ko sa ating wika :
Sa isang munting bayan sa Texas, may isang manlalaro sa kanilang high school football team na laging kasama ang kanyang ama sa kanilang pag-eensayo. Doon sa gawing itaas ng stadium niya ito pina-uupo habang sila ay nag-eensayo, at matahimik na nakatanaw sa kanilang mga ginagawa. Kapag oras ng pagpapahinga ay muli umaakyat ang manlalaro sa stadium upang maupo sa tabi ng kanyang ama at makikita mo na hindi naman sila gaanong nag-uusap.
Ang manlalarong ito ay hindi naman kagalingan subali't pinanatili siya ng kanyang coach sa football team dahil sa halos ay wala itong kapaguran at hindi nagpapabaya sa kanyang posisyon bilang depensa. Malaki ang kanyang naitutulong sa "practice" dahil siya ang nag-kukunwari na kalaban sa pinakamagaling nilang manlalaro. Iyon ang dahilan kung bakit kapag oras na ng tunay na laro sa paligsahan ay hindi siya gaanong ipinapasok para maglaro.
Sa tatlong taon na paglalaro ay laging ganoon ang makikita sa mag-ama. Nasa ika-huling taon na ng kanyang paglalaro nguni't hindi pa siya nagkakaroon ng pagkakataon na maipakita ang tunay niyang galing sa laban. Maganda ang huling taon nila at sa unang pagkakataon ay magkakaroon sila ng pag-asa na manguna sa kanilang dibisyon at makapasok sa kampeonato. Alam ng lahat na magiging mahigpit ang huling laban para sa pangunguna sa dibisyon kaya't lalaong naging matindi ang kanilang pag-eensayo.
Marami ang nagtaka na noong araw ng ensayo bago ang laban ay dumating na nag-iisa ang manlalaro. Katulad ng dati ay halos wala siyang kapaguran sa kanilang "practice" at ang lahat ay umaasa na ibubuhos nila ang kanilang husay at pagsisikap para sa huling laro.
Nang matapos ang ensayo, lumapit ang manlalaro sa kanyang "coach" at naki-usap na san ay papaglaruin naman siya sa huling pagkakataon. Sa tatlong taon niyang paglalaro sa koponan ay noon laman siya naki-usap na makapag-laro kaya't napilitan ang "coach" na sumang-ayon. Bagama't may respeto siya sa manlalaro, napakahalaga sa kanila ng laban na iyon kaya't nag-aalangan siya kung anong yugto ng laban niya ito paglalaruin.
Noong araw ng laban ay agad ipinasok ng "coach" ang manlalaro sa simula para kung hindi ito makapagpakita ng husay ay hindi gaanong maka-apekto sa kalaunan ng laban. Ang kalaban na koponan ang unang opensiba at makadalawang ulit naman na naharang ng manlalaro ang "quarter-back" ng oposisyon kaya hindi ito nakapagtala ng puntos. Sa katagalan ng laro ay nakitaan pang muli ng "coach" ng kakaibang galing ang manlalaro kaya't matagal-tagal din siyang nakipagtagisan ng galing sa mga kalaban. Sa kasawiang-palad ay natalo ang kanilang koponan subali't ipinagbunyi pa rin iyon ng kanilang mga manonood dahil sa kagitingan nilang ipinamalas sa laro.
Noong matapos ang laro ay nilapitan ng "coach" ang manlalaro at binati sa maganda nitong ipinakita. Subali't bago sila naghiwalay, nagtanong ang "coach" kung bakit kung kailan pa napakahalaga ng araw na iyon ay hindi niya isinama ang kanyang ama. Nangingilid ang luha na sumagot ang manlalaro :
" Coach, pumanaw na noong isang linggo pa ang aking ama. Alam po ninyo, bulag ang
aking ama at isinasama ko siya sa "practice" para kahit paano ay marinig niya na
nagagawa ko ang panagarap ko na makapaglaro. Hiniling ko sa inyo na makapaglaro
ako ng araw na ito sa pagbabakasali na siguro kahit paano ay nakikita niya ako ngayon.
Maraming salamat po. "
P. S. -
Ngayon naka-quarantine tayo dahil sa COVID-19, naging libangan na naming mag-aama ang manood ng mga teleserye at mga pelikula, at magkuwentuhan pagkatapos ng kanilang oras sa "work from home". Kung minsan kapag napapagkuwentuhan namin ang aking ama (lolo ng mga bata) ay laging nababanggit ang kanyang kakulitan at hilig na mag-luto. Iyon ang lagi nilang naaalala, at siguro ay hindi na rin nila makakalimutan sa tuwing mababanggit ang panaglan ng kanilang Lolo Pinong. Gayundin ang mga padalang "Luncheon meat" ng kanilang Lola Uring.
Namayapa na ang aking ina at nasa malayo rin naman ang aking ama at marahil ay hindi na rin kami magkikita. Binubuhay na lang namin sila sa aming mga kuwentuhan at sa pag-asa na siguro ay naaalala rin niya kung paano ninanamnam ng mga bata ang mga inihahain niya sa kanila.
Kaya ngayon, habang may pagkakataon, ako rin ang palaging nagluluto ng aming mga kakainin. Nalilibang naman ako sa ganitong gawain, bukod sa nakatitiyak kami na maayos ang pagkakaluto ng aming pagkain, ay parang may nararamdaman ako na koneksiyon sa aking pinagmulan at sa pag-asa na kapag ako ay wala na rin, patuloy akong mapapag-usapan at maa-alaala ng aking mga maiiwan.
Comments
Post a Comment