ANG ALAMAT NG BURUHAN AT PULYOK


 

Noong unang panahon, ang bayan ng Alfonso ay bahagi lamang ng isang malawak na kagubatan. Wala noong gaanong naninirahan sa gubat na ito maliban sa ilang mga mangangaso na naghuhuli ng baboy damo at igat sa mga ilog. Bahagi lamang ito ng Baryo ng Lumapong na nasasakop naman ng Munisipio ng Indang. At noong taong 1859, sa pamumuno ng dalawang makisig na mga kagawad na sina Bonifacio Aveo at Felix Del Mundo ay naihiwalay ang ang bahagi ng lupain mula sa Indang at tinawag itong bayan ng Alas-As. Ang pangalan ng baryo ay kinuha mula sa isang punong-kahoy na karaniwang tumutubo sa lugar na ito at nagagamit sa pag-gawa ng mga kubo. 

Sa loob ng labing-pitong taon ay nakilala ang baryo sa pangalang ito hanggang sa ito ay baguhin ni Heneral Trias noong 1896 matapos na masakop ang bayan mula sa mga Kastila. Matapos na malipol ang mga Kastila ay pinalitan ang panaglan ng bayan ng Alfonso, na isinunod sa pangalan ng Haring Alfonso ng Espanya.

Kung paano namam naman nakuha nag pangalan ng mga baryo na bumubuo sa Munisipyo ng Alfonso ay ito naman ang alamat na narinig ko mula sa kuwentuhan ng mga matatanda, mga lasengo at mga tsismoso ...

Ayon sa kanila, mayroong mag-ama na mahilig magbarik o uminom ng tuba pagkatapos ng maghapon na pagsasaka. Sa loob ng kubo ay maririnig mo ang malakas na bose ng anak habang binibigyan nga tuba ang kanyang ama ... "Tagay 'Tay, Tagay, 'Tay" - ang dito raw nagsimula na tawagin ang lugar bago sumapit ang bayan ng Alfonso na Tagaytay.

Sa kabilang banda naman ay may babae naman na naghahanap at galit na galit sa mag-ama. Ang babaeng yon pala ay ang kabiyak at ang kanyang panaglan ay "Esperanza" na siya naman pinagkunan ng pangalan ng unang baryo makatapos ang Tagaytay. 

Sa takot na mahuli ng mag-ama ay mabilis silang tumakas nguni't nakita sila ng babae at sa takot nga mag-ama ay napatalon sila sa mas mababang lupa pagkaliban ng kalsada. Kahit labis na ang kalasingan at nagawa nilang luksuhin ang kabilang lupa at mula sa pangyayaring iyon ay tinawag ang kasunod na baryo na "Luksuhin".

Hindi na muling nagkasundo ang pamilya kaya't pinalayas ang dalawa ng inang si Esperanza at malungkot na lumisan ang mag-ama. Ang Itay at kawawang anak, at dahil nga sa kalasingan ay nabulol na pagsasalita at ang tanging nasambit ay "Taywanak".  Habang naglalakad ay tumutulo ang kanilang luha at dahil sa wala man lang silang nadalang damit sa kanilang paglalakbay ay sa "Manggas" ng kanilang damit ang nagamit nila na pamunas ng luha. Doon nagmula ang pangalan ng magkasunod na baryo ng "Taywanak" at "Manggas".

Sa walang direksiyon na paglalakad ay nakarating sila sa bayan ng Alas-As, at dahil sa kahihiyan ay marahan silang naglakad hanggang sa makarating sila ng kasunod na baryo. Doon nagsimula na tawagin ang baryo ng "Marahan". 

Inabot sila ng gutom sa daan at nang maka-amoy sila ng nilulutong pagkain. Marahn nila itong nilapitan at palihim na tinangay. Sa kasamaang palad ay nakita sila ng may-ari ng pagkain at sinugod sila ng nanghahalibas ng taga. Dahil sa katandaan ay naabutan ang ama at tinaga ito sa leeg kaya "Putol" habang ang ang anak naman ay nadaplisan lamang at sumisisigaw ng "matagpas ... matagpas", nguni't dahil sa untin-unti na itong nauubusan ng dugo ay di na maulinigan ang isinisigaw nito. "Matagbak" ang huling salita bago tuluyang humandusay at binawian ng buhay may tabing ilog.

Ang tabing ilog ang nagsilbing  kanyang pinagburulan kaya sa paglipas ng panahon ay unti-unting nabago ang turan at tinawag ang lugar na "Buruhan". Dito sa lugar na ito ay naging kabalitaan na sa pagsapit ng hating-gabi ay umaalulong ang panaghoy ng anak na humuhingi ng katarungan. Dito rin nagmula nag kuwento ng naglalakad na kabaong na siyang kinatakutan ng mga Hapones kaya't hindi nila sinubukan na pasukin ang kasunod na baryo.

Sinubukan ng mga Hapones na doon dumaan sa may gawing kanluran at ng tatawid na sila sa ilog ay may nakita sila sa kabila na mga tao ay agad nila itong binaril. Nabalot ng ingay ang lugar na ito dahil sa putok ng baril at sa kalaunan ay tinawag ang bahagi naito ng baryo na "Putok".

Isa sa mga taga-baryo ang tinamaan ng bala sa may bibig, at bagama't hindi ito gaanong makapagsalita ay nagsisigaw ito para balaan ang mga taong baryo sa papalapit na panganib. "Pulyok... Pulyok" imbis na putok, putok ang narinig mula sa kanya. Nakapagtago ang mga tao, at naligtas mula sa patrolya ng mga hapones at bilang pagkilala sa kanilang bayani na naging ngo-ngo dahil sa pangyayari, tinawag ang kalyehon na "Pulyok".

Taong 1945 ay lumaya ang bayan sa mga Hapones at nagdiwang ang mga taga-baryo. Nagkaroon ng sayawan at handaan, at ang "rondalla" ay "sinaliwan" ang awit ng mga kadalagahan.  Mula noon ay tinawag ang baryo na iyon na "Sinaliw" at ang mga dumalo naman na taga-kabilang ibayo na nabusog at nasiyahan sa handaan ay tinwag naman ang kanilang lugar na "Kaytitinga" dahil sa sarap ng kanilang mga kinain.


Comments

Popular Posts